TOTOONG tao man o hindi, kabilang sa talaan ng mga testigong nais ipatawag ng House prosecution panel sa impeachment trial ang isa sa mga tumanggap ng pera mula sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Para kay Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, sa usapin pa lang ng paglustay ng P612.5-million confidential funds, matatapos agad ang political career ni Duterte.
“Yung existence or non-existence po ni Mary Grace Piattos, yun po ang smoking gun kung talaga nga bang tama o mali yun pong paggamit ng confidential funds,” wika ni Ridon na kabilang sa 11-member House prosecution panel.
“Mahalaga po yung Mary Grace Piattos kasi nasa sentro siya eh nun pong kontrobersiya ng paggamit ng confidential funds,” dagdag niya.
Kinumpirma ni naman ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na kasama si Piattos sa listahan ng mga testigo na isinumite nilang pre-trial brief.
Napukaw ang atensyon at naging pangunahing isyu sa naunang imbestigasyon ng Kamara hinggil sa usapin ng confidential funds ng bise presidente si Mary Grace Piattos at marami pang pangalan na tumayong benepisyaryo ng nabanggit na pondo.
“Going back to the COA report, marami po doon ay obviously hindi ho tamang paggamit na confidential funds kaya nga in each and every year na meron pong confidential funds ang pangalawang pangulo may mga pinapasauling pera sa kaban ng bayan,” ayon kay Ridon.
Gayunpaman, tumanggi ang Bicol Saro partylist solon na magbigay ng iba pang detalye kung paano ipiprisinta sa impeachment court ang naturang testigo.
“Abangan natin on how the prosecution will actually undertake this particular aspect of the proceedings,” bulalas niya.
Samantala, hinamon ni Chua ang depensa na ilabas si Piattos at iba pa para matuldukan na ang isyu ng pagkakakilanlan sa mga ito.
“Material witness po yan, lalong-lalo na sa confidential funds. So kung lumutang po o hindi siya lumutang, ibig sabihin bogus siya. Kung lumutang naman siya, pwede namin siyang ma-cross examine,” ani Chua.
