
MATAPOS ang isang linggo, muling umarangkada ang pambabarako ng China sa sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone na higit na kilala sa tawag na West Philippine Sea.
Sa ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), dalawang barko ng bansang China ang tumikad sa sasakyang-dagat ng naturang ahensya – bukod pa sa panunutok ng laser sanagpapatrolyang eroplano ng nabanggit na sangay ng pamahalaan.
Patungo sa Hasa-Hasa Shoal ang BRP Datu Romapenet, isang civilian vessel ng BFAR, noong nakaraang Biyernes (Setyembre 27) para maghatid ng pagkain sa mga mangingisdang Pinoy sa naturang bahura. Kasama rin sa paglalayag ang BRP Datu Matanam Taradapit.
Habang naglalayag, bumuntot ang dalawang missile boat ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China.
Hindi kalayuan sa lugar ng insidente, namataan din ang barko ng China Coast Guard (CCG) na una nang natukoy na bumangga sa BRP Bagacay ng Philippine Coast Guard at BRP Sanday ng BFAR.
Isang aircraft naman ng BFAR na nagpapatrolya sa lugar ang tinutukan ng laser ng Chinese warship. Rumadyo lamang ang BFAR plane sa Chinese missile boat pero hindi sila sumagot.