NAKATAKDANG busisiin ng National Security Council (NSC) ang posibilidad na may espiyang nagliligwak ng mga sensitibong impormasyon kaugnay ng paglalayag ng mga sasakyang dagat ng pamahalaan sa West Philippine Sea.
Kabilang sa pagbabatayan ng NSC ang alegasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsabing sadyang inabangan ng anim na dambuhalang barko ang sasakyang-dagat na bahagi ng Philippine resupply mission na ‘binomba’ ng Chinese Coast Guard habang naglalayag sa West Philippine Sea patungo sa Ayungin Shoal para dalhan ng pagkain at gamot ang mga sundalong nakahimpil sa Ayungin Shoal.
Suspetsa ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, target ng China ang mga ‘classified information ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na siyang gumagawa at naglalabas ng misyon sa paglalayag ng mga sasakyang dagat ng Pilipinas.
“Yes, definitely that’s one angle that is being looked at because it is a vital aspect of the Armed Forces operational security,” ani Malaya sa paniwalang nakakatanggap na ang China ng impormasyon hinggil sa landas na lalakbayin ng Philippine resupply mission.
Agosto 5 nang harangin ng anim na dambuhalang Chinese vessels ang Philippine resupply mission, sukdulang gamitan pa ng water cannon.
“It’s a primordial consideration for every nation to have good and effective intelligence. Of course, China also has satellites and several assets in the country, but for us, it’s our responsibility as a nation to maintain operational security,” dagdag pa ni Malaya.
Pagtitiyak ng NSC official, prayoridad ng administrasyon ang usapin hinggil sa West Philippine Sea na pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
“During the Duterte administration, our policy was focused mainly on internal security, concentrating more on terrorist groups. But with the waning of the CPP-NPA, the new NSP pertains to problems on the international level, external, and in particular the tensions in the West Philippine Sea,” aniya pa.
Samantala, iminungkahi ni Sen. Francis Escudero ang paglalaan ng P100 milyon sa 2024 national budget para sa pagtatayo ng mga permanenteng istruktura sa Ayungin Shoal sa layuning palakasin ang presensya ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo.
“I will propose the allocation of a minimum of P100 million to fund the construction of a pier and lodging structures for our soldiers assigned in the area and for our fishermen who might seek temporary refuge in times of bad weather.”
Para kay Escudero, napapanahon nang magtayo ang Pilipinas ng bagong himpilan sa Ayungin Shoal lalo pa aniya’t kinakain na ng kalawang at posibleng tuluyan nang mawasak ang BRP Sierra Madre na ginagamit na himpilan ng mga bantay-dagat sa West Philippine Sea.
“The building of the structures has to be rushed because Sierra Madre’s greatest enemy is nature, and it will soon be lost to the sea. Kinakalawang na. Our soldiers should not die from tetanus.”