Ni Ernie Reyes
BABAWASAN ng confidential and intelligence funds (CIFs) ang 30 ahensiya ng pamahalaan partikular walang kaugyan sa pambansang seguridad upang idagdag sa pondo ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
Inihayag ito ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri sa pagsasabing bilang tagapagtanggol ng soberenya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) dapat bigyan ng logistical at operational support ang PN at PCG kabilang ang pagtataas ng kanilang CIF sa 2024 national budget.
Idineklara ito ni Zubiri matapos mangakong ipaglalaban ang augmentation ng alokasyon ng CIF sa dalawang ahensiya na responsible sa pagpapatrulya at proteksiyon ng teritoryo ng Pilipinas laban sa illegal activities at panghihimasok ng China.
“Dahil sa nangyayari sa West Philippine Sea, gusto po namin dagdagan ang budget ng ating mga sundalo at Navy personnel, lalo na sa Navy at coast guard, to strengthen our external defense capabilities para magkaroon po tayo ng credible defensive posture,” ayon kay Zubiri.
Binanggit din ni Zubiri ang nakaraang desisyon ng Senado na buhayin ang Select Oversight Committee on CIFs (SOCCIF), na magrerebyu sa CIFs ng mahigit 30 agencies at tukuyin kung may pangangailangan na bawasan ang pondo nito para sa mas magandang paggamit.
Ikinalungkot ng Senate chief na aabot lamang sa P10 milyon ng CIF ng PCG at P39.74 milyon naman sa PN na may tungkulin na protektahan ang ating pambansang teritoryo sa WPS laban sa panghihimasok ng China.
“Imagine, yung Coast Guard ay P10 million lang yung confidential fund nila. Yung ibang ahensya ng gobyerno, hundreds of millions. So, I would suggest na pwede nating ilipat doon sa mga kailangan talaga ng inteligence funds at madagdgan ang intelligence funds to protect us both internally and externally,” ayon kay Zubiri.
Tiniyak ni Zubiri na sakaling matanggap ng Senado ang 2024 national budget mula sa House of Representatives, isusulong ang realignments o pagbabago sa CIFs to upang palakasin ang intelligence capabilities ng PCG at PN.
“Iyan po ang pangako namin sa inyo, may maiiba pagdating po sa intelligence funds at confidential funds. And I think it will be reflected in the outcome of the Senate hearings of the budget,” giit ng Senate leader.
Nananatiling P10 milyon lamang ang intel funds ng PCG simula noong 2022kahit umabot sa P24.01 bilyon ang alokasyon nito sa 2024 National Expenditure Program (NEP) mula sa P21.92 billion nitong 2023.
Ayon kay Zubiri na tutukuyin sa pagbuhay ng SOCCIs ang CIFs ng 30 government agencies upang tukuyin kung nagamit ang kani-kanilang pondo sa nakaraan.
“Kung sa tingin po natin ay okay naman po ang paghingi nila ng mga budget allocations na ito, then we will approve it. Pero kung hindi at sa tingin namin may pagkukulang, eh di either dagdagan namin or tanggalin naman kung may problema,” aniya.
Sinabi pa ni Zubiri na kapag nakita ng komite na maaaring ilaan ang CIFs sa regular budget ng ahensiya bilang line item, gagawin nito ang rekomendasyon sa deliberasyon ng badyet.
“Magbibigay po tayo ng rekomendasyon sa plenaryo. We have to vote in the committee kung ito bang ahensya na ito dapat bang tapyasan o tanggalin o liitan ang kanilang intelligence funds,” paliwanag ni Zubiri.