
BINALEWALA ng Korte Suprema ang desisyon ng Senate Blue Ribbon Committee na arestuhin at patawan ng contempt ang opisyal ng Pharmally na si Linconn Ong at si dating economic adviser Michael Yang noong nakaraang administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa SC, nakagawa ang Senado ng grave abuse of discretion nang patawan ng contempt at iutos ang pag-aresto kina Pharmally executives Lincoln Ong at Michael Yao Hung Ming.
Magugunita na ipinataw ng Senado ang parusang contempt laban sa mga nabanggit dahil sa hindi pagsagot nang maayos sa mga tanong na may kaugnayan sa kontrata ng Pharmally sa pamahalaan kaugnay sa pagbili ng COVID-19 medical supplies.
Ayon sa SC, ang ipinataw na contempt order laban kina Ong at Yang ay kulang sa “factual basis.”
Sinabi ng SC na naipakita naman ni Ong na may ibang mapagkukunan ng pondo ang Pharmally kahit meron lamang itong paid-up capital na P625,000.
Binigyan-diin ng SC na nilabag ng contempt orders ng Senado ang right to due process nina Ong at Yang.
Nakagawa ng grave abuse of discretion ang Senate panel nang ipataw ang parusang contempt nang hindi binibigyan ng pagkakataon ang dalawa na magpaliwanag.
Samantala, kinatigan ng SC ang kahilingan ng Senate committee sa Department of Justice na magpalabas ng lookout bulletin laban kay Yang.