
HAYAGANG tinabla ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang hirit na dagdag sahod ng mga grupong manggagawa, sa kabila pa ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
“We can’t do that,” deretsahang sagot ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, kasabay ng babala hinggil sa aniya’y epekto sa ekonomiya ng dagdag-sahod sa hanay ng mga minimum wage earners.
“If we want to bring this country to the league of our neighbors, the safest thing to do to increase wages is by way of expanding economic activities,” ani Balisacan.
Para sa NEDA chief, higit na kailangan unahin ng gobyerno magpapasok ng mga dayuhang negosyante at kapitalista para makalikha ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino – “And that means a lot of investments that need to be made to complement labor.”
Paandar pa ni Balisacan, tinutugunan ng gobyerno ang mataas na presyo ng mga bilihin sa merkado sa mga isinusulong na programang pang-agrikultura.
Unang nanawagan sa kamara si House Deputy Minority Leader Rep. France Castro sa administrasyon para isama sa prayoridad ng gobyerno ang dagdag-sweldo ng mga obrero upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan.
Aniya, hindi sapat ang umiiral na minimum wage sa 17 rehiyon ng bansa – na lalo pang pinalala ng pagsipa ng 8.7% inflation rate.