MASUSING pinag-aaralan ni dating Senador Leila de Lima ang paghahain ng demanda sa mga indibidwal na nasa likod ng aniya’y gawa-gawang kaso kaugnay ng ilegal na droga.
Partikular na tinukoy ni de Lima si dating pangulong Rodrigo Duterte na umano’y utak sa pagpapakulong sa kanila sa loob ng halos pitong taon. Nag-uusap na umano ang kanyang legal team kung ano ang susunod na hakbang na gagawin.
“It’s really about justice. Iba yun, kahit pinatawad mo na ang isang tao, kailangan mo pa rin na makamit yung hustisya,” wika ni de Lima.
Para sa dating senador, higit na angkop ang kasuhan ang dating Pangulo, sa hangaring tuldukan ang pagdidiin ng mga ordinaryong mamamayan gamit ang inimbentong asunto — “Kung ako ngang walang ginawang masama nagawa nilang ipakulong, paano na umano ang ibang maliliit na tao?”
“Iniisip ko nga, kung wala ako gagawin, what will prevent future Presidents, future leaders to be doing this thing for vindictive, vengeful purposes? Ginagawa ko lang naman yung trabaho ko,” aniya pa.
“It’s a matter of justice na meron talagang reckoning dahil biniktima nila ako,” dagdag pa nito.
Pinatawad na rin umano ni de Lima ang mga testigo, operator at iba pang nakiisa kay Duterte noon.
“He knows what exactly he did to me. So dapat he must acknowledge yung gravity, the grave injustice, the travesty of justice, yung mga pang aapi niya. So kailangan siya talaga humingi ng kapatawaran, hindi lang sa akin kundi sa mahal na panginoon,” ayon pa kay de Lima.