November 5, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

DEATH PENALTY BILL, HIRIT BUHAYIN SA KAMARA

Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II

SA dami ng nakakabahalang rebelasyon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ng Kamara, iminungkahi ng isang ranking House official na muling pag-aralan ang panukalang buhayin ang parusang kamatayan sa lumalalang kriminaludad at korapsyon sa bansa.

Sa ikapitong Quad Comm investigation, partikular na isinusulong ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong chairman ng Committee on Dangerous Drugs, ang isama sa talaan ngheinous crimes ang ang mapatutunayang sangkot sa drug trafficking at extra judicial killings (EJK).

“Naging urong-sulong po tayo sa usaping death penalty noong mga nakalipas na panahon. Tingnan nyo ang nangyari. Sumama po lalo ang naging lagay ng ating kapayapaan at kaayusan. Hindi na takot ang mga kriminal. Lantaran ang ginawang pamamaslang na ngayon ay tinawag nating extrajuducial killings,” wika ng Mindanaoan lawmaker.

Matatandaan na sa pagtalakay ng quad comm sa drug-related EJKs sa panahon ni ex-President Rodrigo Duterte, nalantad ang pagkakaroon umano ng direktiba para sa law enforcement officers na patayin ang mga drug suspect.

“These killings were driven by financial incentives, with officers receiving rewards for each death, as long as the victim was labeled a ‘drug personality’,” ayon kay Barbers kasabay ng giit na mapabilang sa kategerya ng heinous crimes ang EJK.

Bukod sa panawagang ibalik ang parusang kamatayan, inilatag din ni Barbers ang ilang legislative amendments na dapat isakatuparan para tuldukan ang ugat ng kriminaldiad.

Una rito ang pag-amyenda sa Cybercrime Law para masugpo ang illegal online gambling, hacking, at investment scams bagong modus operandi na ginagawa ng organized crime syndicates.

Gayundin ang pagbabago sa Anti-Money Laundering Act upang bigyan ng sapat na kapangyarihan ang pamahalaan na aksiyunan ang mga kahina-hinalang financial activities bago pa ang pormal na paghahain ng kaukulang kaso upang maharang ang pera o pondo bago pa makuha o magamit ng mga sindikato o indiibidwal sa ilegal na paraan.

Nais din ni Barbers na magkaroon ng reporma sa Revised Corporation Code, partikular ang pagtitiyak tanging ang mga lehitimong tao at grupo lamang ang pahihintulutan na makapabuo ng korporasyon lalo’t may ilang registered entities ang ginagamit sa money laundering at iba pang ilegal na gawain.

Maging ang Local Government Code ay iminungkahi ng ranking House official na magkaroon ng pagbabago, lalo na sa aspeto ng pagbibigay ng kapanagyrihan sa reklasipikasyon ng mga lupa, na sinasamantala ng ilang foreign nationals at corrupt officials.

“There is also a need to amend the Land Registration Act to ensure that only Filipino citizens and legitimate corporations can own land in the Philippines, as there have been numerous cases of illegal land acquisitions by foreign entities,” dagdag pa ni Barbers.

Ani Barbers, kailangan din rebisahin ang birth registration laws lalo’t nabisto ng may mga foreigner ang nakakakuha ng dokumento para palabasin na sila ay Filipino citizens at gamiting batayan sa pagkuha ng iba pang mahahalagang government issued documents o identification card gaya ng driver’s license at pasaporte.

Ang iba pang inirerekomenda ng Surigao del Norte solon ang pagbusisi sa Witness Protection Act at kapangyarihan o sistemang sinusunod ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagbibigay ng visa sa mga dayuhan para makapasok sa bansa.

“The proposed legislations we have outlined today are not just responses to the pressing issues of illegal drug trade, POGO-related crimes, and extrajudicial killings; they represent a crucial step toward building a more just and secure future for our country,” pagtatapos ni Barbers.