AGAD na dumepensa at naglabas ng opisyal na pahayag ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng disbarment case na inihain sa Korte Suprema laban kay Chairman George Garcia at limang iba pang miyembro ng komisyon.
Ang reklamo ay isinampa ni Jaime Gutierrez Aquino, talunang kandidato sa posisyon ng alkalde sa Mapandan, Pangasinan noong 2025 elections, matapos ibasura ng Comelec ang inihaing Petition for Disqualification laban sa katunggali sa pwesto.
Ayon sa Comelec, ang naturang petisyon ay itinuturing bilang isang Special Action Case na nangangailangan ng mahigpit na pagsunod sa mga itinakdang proseso, kabilang ang pagbabayad ng docket fees at pagsusumite ng kumpletong mandatory requirements.
Nilinaw ng komisyon na ibinasura ang petisyon dahil sa kakulangan ng proof of payment ng docket fees, kawalan ng proof of service at affidavit of service, at hindi pagsasama ng ilang kinakailangang dokumento.
Binigyang-diin ng Comelec ang pagpapatupad ng batas, rule of law at due process sa lahat ng usaping may kinalaman sa halalan. (JULIET PACOT)
