MATAPOS tuldukan ng Muntinlupa Regional Trial Court ang mga pagdinig, umapela ang Department of Justice sa (DOJ) na buksan muli ang isa sa dalawang natitirang asunto laban kay dating Senador Leila De Lima para maiharap ang bagong testigo.
Partikular na tinukoy ng DOJ ang Criminal Case No. 17-165 kaugnay ng paratang na sabwatan sa pagitan ng dating senador at ng kanyang personal driver na si Ronnie Dayan, noong mga panahong Kalihim pa ng DOJ si De Lima.
Ikinagulat naman ni Atty Filibon Tacardon ang hakbang ng DOJ dahil nagkasundo na di umano ang panig ng prosekusyon at depensa na isumite na ang kaso para sa pagpapasya ng husgado.
“The court even acted on our agreement by setting the case for another hearing for purposes of promulgation of the decision on May 12,” he said.
Bago pa man umapela ang DOJ, inihayag ng Muntinlupa RTC Branch 204 na ilalabas ang hatol pagsapit ng Mayo 12 ng kasalukuyang taon.
“We don’t know what happened with the prosecution. They made the sudden turnaround and are now claiming that they want to submit rebuttal evidence. They should have done this yesterday,” ani Tacardon.
Batay sa omnibus motion for reconsideration na inihain ng DOJ, sinabi ng tagausig na may isusumite pa silang karagdagang ebidensya, kabilang ang testimonya ni Atty. Demiteer Huerta ng Public Attorney’s Office (PAO).
Maliban kay Huerta, binawi na ng mga testigo ang kani-kanilang testimonya laban sa senador na anim na taon nang nakapiit kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa droga.
“In fact, after our trial, when we shook hands, they approached Senator De Lima, they even hugged … and we were all happy after we agreed to have the case submitted for decision already,” ani Tacardon.