
NAKATAKDA nang simulan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang general court-martial (GCM) proceedings laban kay dating Presidential Security Group (PSG) commander Brig. Gen. Jesus Durante III at limang iba pang sundalo kaugnay ng pagpatay sa dating kinakasama ng heneral.
Mula sa tinutuluyang karsel sa punong himpilan ng Philippine Army sa Taguig City, ililipad si Durante patungo sa Davao City, kasama si Col. Michael Licyayo na kapwa akusado sa pagpatay kay Yvonette Chua-Plaza.
Ang iba pang sampid sa asunto – Staff Sgt. Gilbert Plaza, Sgt. Delfin Sialsa Jr., Cpl. Adrian Cachero and Pfc. Rolly Cabal, ay pawang nasa kustodiya na ng Philippine Army na nakabase sa Davao.
Gayunpaman, isang Pfc. Romart Longakit na idinawit sa kaso ang hindi pa rin lumulutang matapos ang balita hinggil sa di umano’y pagdukot sa kanya.
Sa kalatas ng AFP, pamumunuan ni PA 10th Infantry Division Commander Maj. Gen. Jose Eriel Niembra ang court martial proceeding, kasama ang lima pang senior officers ng hukbong sandatahan.
Disyembre ng nakaraang taon nang barilin at patayin ng dalawang salarin si Plaza sa harap mismo ng inuupahang bahay sa lungsod ng Davao.
Nagsilbing hepe ng PSG si Durante sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa murder na isinampa sa husgado, nahaharap ang heneral sa paglabag ng Articles of War Section 96 (conduct unbecoming of an officer and a gentleman) at Section 97 (conduct prejudicial to good order and military discipline).