
SA kabila ng pagsirit ng COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) at iba pang bahagi ng bansa, walang plano ang Department of Health (DOH) na muling ibalik ang pwersahang paggamit ng facemasks.
“We are not considering the return of mask mandates,” ayon kay Health acting Secretary Rosario Vergeire bilang tugon sa plano ng pamahalaang lungsod ng Maynila na rebisahin ang lokal na polisiya sa kalusugan matapos makapagtala ng mataas na kaso sa malaking bahagi ng kabisera.
Paliwanag ni Vergeire, sapat na ang payo ng gobyerno sa mga estudyante na magsuot ng facemask sa loob ng paaralan at maging sa mga senior citizens sa tuwing nasa mga matataong lugar upang maiwasan ang hawaan.
Taong 2022 nang gawing ‘optional’ ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pagsusuot ng facemask sa kabila ng pagtutol noon ng naturang departamento.
Sa datos ng DOH, nakapagtala ng karagdagang 2,386 kumpirmadong kaso ng COVID-19 mula Abril 10 hanggang 16 – mas mataas ng 23% kumpara sa bilang ng mga positibo mula Abril 3 hanggang 9 ng kasalukuyang taon.
Gayunpaman, iba ang pananaw ng World Health Organization (WHO) na nagsabing nakakabahala ang sitwasyon sa mga lugar kung saan higit pa sa 5% ang positivity rate.
Tugon naman ni Vergeire, hindi sapat na batayan ang mabilis na pagdami ng COVID-19 cases para ibalik ang mandatory facemask policy.
“What’s most important is that our hospitals are not seeing an increase in the number of severe and critical admissions,” aniya.
Sa kabuuan, nasa apat na milyong Pilipino ang tinamaan ng nakamamatay na sakit habang nasa 66,000 ang binawian ng buhay mula Marso 20,2020.