DAHIL sa hayagang paglapastangan sa mandato ng Kamara, isang mandamiento de arresto ang inilabas para damputin si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang na pinaniniwalaang sangkot sa pagpupuslit ng tone-toneladang droga sa bansa.
Ayon kay House Secretary Reginald Velasco, nagpasya ang Kamara maglabas ng warrant of arrest laban kay Michael Yang batay sa rekomendasyon ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni panel chair at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers matapos balawalain ang mga patawag ng komiteng nag-iimbestiga sa P3.6-bilyong halaga ng drogang natagpuan sa loob ng isang bodega sa Mexico, Pampanga.
Sa pagsisiyasat, lumalabas na kumpanya ng Chinese national na si Yang ang naturang bodega.
Kasama ang mga tauhan ng Kamara, inihatid ni Ret. Gen. Napoleon Taas na tumatayong House Sergeant-at-Arms ang arrest order sa tanggapan ni Atty. Raymund Fortun na tumatayong abogado ni Yang.
Gayunpaman, inamin ni Fortun na wala na sa Pilipinas si Yang na sangkot din sa dalawang iba pang eskandalo – Pharmally scam at illegal POGO.
“We were informed na ang subject ng arrest order ay wala na ho rito. ‘Yung last information that we have, he is in Dubai,” ani Barbers.
Samantala, tiniyak naman ng naturang kongresista na makikipag-ugnayan ang komite sa Bureau of Immigration at Department of Foreign Affairs (DFA) para ipadampot si Yang sa naturang bansa.
