ILANG linggo matapos ang sumingaw ang di umano’y pabuyang pera para sa mga operatibang nakapatay ng tulak sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, tuluyan nang binasag ni former President Rodrigo Duterte ang katahimikan hinggil sa nasabing usapin.
Ayon kay Duterte, walang pinamudmod na pera ang nakalipas na administrasyon para sa mga pulis na bahagi ng madugong giyera kontra droga sa kanyang anim na taong termino bilang Pangulo.
Hindi man hayagan, mistulang tinukoy ni Duterte ang testimonya ni former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma sa mga nakalipas ng pagdinig ng quad committee ng Kamara.
Kung meron man aniyang gantimpala sa mga operatibang bahagi ng matagumpay na operasyon kontra droga, iyon di umano ay ang isang salu-salong kanyang inihanda at pagbati sa mga operatiba.
Giit pa ng dating Pangulo, hindi niya kailanman inutusan pumatay ang mga pulis.
