TULUYAN nang hindi makakabalik sa pwesto ang alkalde ng Urdaneta City sa lalawigan ng Pangasinan bunsod ng suspension order na inilapat ng Sangguniang Panlalawigan.
Sa bisa ng pinagtibay na Provincial Board Resolution 958-2024, isang taong suspensyon ang ipinataw kay Urdaneta City Mayor Julio Parayno dahil sa paglabag sa mga probisyong kalakip ng Republic Act 11032 (Ease of Doing Business Act of 2018).
Bago pa man pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon, una nang kinastigo ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) si Parayno matapos ipagkait noong 2021 sa REVM Tiposu Poultry Farm Inc. ang inaaplayang business permit.
Buwan ng Setyembre nang sampahan naman ng kaso si Parayno ng isang videographer sa pangalang Jarius Bien Fernandez Sibayan na di umano’y sinampal ng alkalde habang inihahain ang suspension order.
