
ISANG araw bago inilabas ng International Criminal Court (ICC) ang desisyon nagbasura sa apela ng Pilipinas kaugnay ng imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga noong nakaraang administrasyon, nagtungo sa Beijing si dating Pangulo Rodrigo Duterte para sa isang pulong kasama si Chinese President Xi Jinping.
Katunayan, mismong si Xi ang sumalubong kay Duterte at dating Executive Secretary Salvador Medialdea sa Diaoyutai State Guesthouse.
Sa ulat ng Chinese State Media, nakipagpulong sina Duterte at Medialdea kina Xi, kasama sina State Counselor Wang Yi, Communist Party of China (CPC) Committee ng Ministry of Foreign Affairs member Ma Zhaoxu, Vice Minister of Foreign Affairs Sun Weidong, at Assistant Foreign Affairs. Ministro Hua Chunying.
Ayon kay Hua Chunying na tumatayong tagapagsalita ng Chinese Ministry of Foreign Affairs, binigyan-pagkilala Xi ang naging polisiya ni Duterte sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at China sa panahon ng kanyang pagkapangulo.
Pinahahalagahan din aniya ng China ang relasyon sa Pilipinas, kasabay ng pahayag sa kahandaang makipagtulungan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapanatili bilateral relations.
Nagpasalamat naman di umano si Duterte sa ambag ng China sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Paglilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA), walang kinalaman ang pamahalaan sa pagbisita ng dating Pangulo sa China.