SA hangarin pasiglahin ang turismo sa bansa, isang panukalang batas ang inihain sa Kamara ni House Majority Leader Sandro Marcos — ang pagbasura sa travel tax na ipinapataw sa pagbiyahe sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Para kay Marcos, malaking bentahe sa ekonomiya ang turismo, bagay na posible lamang aniya kung abot-kaya ang pamasahe patungo sa mga pasyalan sa iba’t-ibang sulok ng kapuluan.
Para aniya maengganyo ang pagbiyahe sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas, partikular na isinusulong ng batang Marcos ang pag-aalis sa bayarin ng travel tax.
Sa ilalim ng House Bill 7443, binigyan-diin ng ranking House official na ang pag-aalis sa naturang buwis ay makakatulong din upang maibsan ang mabigat na gastusin ng mga biyaherong Pilipino.
Giit ni Marcos, marami ang nagdadalawang-isip o kaya’y tuluyang hindi na lamang bumibiyahe dahil sa dagdag na bayarin na ipinapataw sa mga biyahero.
“The travel tax was created in a very different economic context. Today, it has become an added cost that restricts mobility and weighs heavily on ordinary Filipinos who simply want to travel for work, family or opportunity,” sabi pa ng House Majority Leader.
“When travel becomes more expensive, fewer people move, fewer people spend and fewer opportunities circulate through the economy. Lowering the cost of travel allows Filipino families to allocate their money where it matters most,” paliwanag ni Marcos.
Sinabi rin ng Ilocos Norte lawmaker dahil sa travel tax, ang Pilipinas ay nalalayo o naiiba sa mga kapwa nito ASEAN member state, na inalis na ang katulad na buwis sa hangaring mapalakas ang kanilang turismo, kalakalan at tinatawag na ‘people-to-people exchanges’.
“The travel tax runs counter to regional commitments aimed at easing movement within Southeast Asia. A tax that discourages travel also discourages growth. If our neighbors are opening doors and reducing barriers, we should not be holding on to policies that place us at a disadvantage,” ani Marcos.
Dagdag ng mambabatas, sa pag-aalis ng travel tax, makikinabang din ang iba pang tourism-dependent industries, gaya ng hotels, transport services at iba pang maliliit na negosyong umaasa sa pagdagsa ng mga bisita, habang marami pang Pilipino ang maaakit na mamasyal sa iba’t-ibang domestic destinations.
“Travel is not a luxury for many Filipinos, it is part of how families stay connected and how workers sustain their livelihoods,” sambit pa niya.
Sa ilalim ng Presidential Decree 1183, ang bawat first-class passenger ay pinagbabayad ng P2,700 travel tax, habang sa hanay ng economy class travelers ay P1,620.
Batay naman sa Section 73 ng Republic Act No. 9593, sa kabuuang travel tax collections, kalahati ay napupunta sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA); 40% naman sa Commission on Higher Education (CHED) para pondohan ang ang tourism-related educational programs at courses nito; at ang 10% ay pasok sa National Commission for Culture and Arts (NCCA).
Samantala, tiniyak naman ni Marcos na hindi pababayaan ang suporta para sa turismo, kultura at edukasyon sa nalikom na travel tax collections dahil ang pangangailangan ng pondo para sa mga nabanggit na ahensya ay ipapaloob sa General Appropriations Act. (ROMER R. BUTUYAN)
