ILANG ulit man kanselahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pista opisyal na kalakip ng petsa Pebrero 25, hindi kailanman mabubura sa isipan ng mga Pilipino ang diwa ng EDSA People Power Revolution.
Sa isang pahayag, kinastigo ni Senador Risa Hontiveros ang kanselasyon ng Pebrero 25 sa talaan ng mga special holidays ngayon at mga susunod pang taon.
Ani Hontiveros, mananatili sa isipan ng mga mamamayan ang diwa ng EDSA kung saan nagtipon-tipon ang milyon-milyong Pilipino para patalsikin ang noo’y Pangulong Ferdinand Marcos Sr. bunsod ng pandaraya sa tinaguriang snap elections laban sa may bahay ng pinaslang na opposition leader na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
“Kahit ilang holiday pa ang i-cancel ng Malakanyang, mananatiling buhay ang diwa at mensahe ng People Power — lalo na sa kabataang Pilipino na naninindigan at nagsasalita para sa kalayaan, hustisya at sama-samang pag-asenso,” wika ng nag-iisang oposisyon sa senado.
Nagbalik-tanaw rin si Hontiveros sa naging karanasan matapos magtungo sa EDSA (sa edad na 20-anyos) para lumahok sa malawakang protestang nagsusulong wakasan ang aniya’y diktadura ng ama ng kasalukuyang Pangulo.
“That is why I am immensely happy and proud to see that our students, teachers, schools, universities and youth organizations are taking the lead in commemorating this year’s EDSA People Power Revolution, even without a state holiday,” sambit ni Hontiveros.
Para kay Hontiveros, dapat maging inspirasyon ang EDSA People Power Revolution sa kabataan, kasabay ng panawagan manatiling matatag laban sa panggigipit ng Estado.
Aniya, marapat din ibasura ang baluktot ng gawain ng tiwaling opisyal ng pamahalaan.
“We should take inspiration from the courage of our young kababayans, and never be cowed into fear and inactivity. We must speak truth to power, overcome disinformation and historical distortion, and continue to resist the corruption, violence, and lust for power of those who are supposed to serve the nation,” aniya.
“Now more than ever, we must not stay silent. Tandaan natin na kahit natanggal ang diktador noong 1986, hindi pa rin tapos ang laban para sa malinis na gobyerno at maunlad na bayan. Buhay na buhay pa rin ang korapsyon, cronyism at pamamayagpag ng oligarkiya sa lipunan. Naghihirap pa rin ang marami sa maliit na sweldo, mataas na presyo ng bilihin at kulang na pabahay. Nariyan pa rin ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang kawalan ng hustisya at ng pagkakapantay-pantay.”
“Marami pa tayong kailangan pagsumikapan bago makamit ang pangakong hatid ng EDSA People Power Revolution. Pero gaya ng nasaksihan ng buong mundo noon, walang imposible sa nagkakaisang pagkilos ng sambayanan,” pagtatapos ng senadora. (ESTONG REYES)
