
DALAWAMPUNG araw bago sumapit ang takdang araw ng pagreretiro ni Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., inamin ni Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos na meron na siyang kursunadang ipalit sa pwesto.
Paglilinaw ni Abalos, nasa kamay pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang desisyon kung sino ang karapat-dapat na humalili sa kasalukuyang PNP chief.
“Ako ay may personal rekomendasyon. Talagang nasubukan ko siya ever since maski na ito last ng P4 billion na drugs at ‘yung mga nauna pang P9 billion. Magaling itong taong ito pero for courtesy or delicadeza hindi ko muna sasabihin,” pahayag ni Abalos sa isang panayam.
“Well ako, personally, isa lang ang gusto ko although ito inuulit ko, maraming magagaling, but this person I really trust him at nakita ko yung kanyang actions. Hindi ko pa naipapasa sa Presidente,” dagdag ni Abalos.
Bilang DILG chief, obligasyon ni Abalos (na siya rin tumatayong chairman ng National Police Commission) magsumite sa Pangulo ng talaan ng mga kwalipikadong opisyales kung saan karaniwang humuhugot ang punong ehekutibo ng iluluklok sa pwesto.
Ilan sa mga pangalang lumutang para maging ika-29 na PNP chief sina deputy chief for administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia, deputy chief for operations Maj. Gen. Jonnel Estomo at Lt. Gen. Michael John Dubria, chief of the directorial staff.
Matunog din ang pangalan ni Directorate for Intelligence chief Major General Benjamin Acorda, National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Edgar Okubo at maituturing namang darkhorse si Deputy ng Directorate for Intelligence na si Police Brig. Gen. Ronald Lee.