MATAPOS akuin ng Department of Agriculture ang (DA) ang bulilyaso sa grid coordinates ng mga ikinasang imprastraktura, ikinasa ng Kamara ang mahigpit na pagbabantay sa mga farm-to-road projects na isinusulong ng nasabing ahensya. Ayon kay Quezon Rep. Mark Enverga tututukan ng House Committee on Agriculture and Food ang imbestigasyon sa hangaring alamin ang katotohanan sa usapin ng nabistong maling paglalagay ng coordinates sa farm-to-market road projects. “Yun ang babantayan namin dito sa Kongreso, kung ano man ang magiging aksyon, kung ano yung pinatunguhan ng ganyang imbestigasyon,” pahayag ni Enverga na tunatayong chairman ng nasabing komite. Ayon sa House panel chair, tanggap ng Kamara ang tugon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na masiyasat ang naturang pangyayari. Kabilang aniya sa mga dapat na matukoy ay kung paano nailagay ang maling coordinates sa panukalang 2027 national budget at ang hakbang na gagawin para hindi na maulit ang nasabing insidente. Nauna nang inamin ng DA na walo sa 1,669 farm-to-market road projects na kasama sa 2027 National Expenditure Program (NEP) ay hindi tama ang nilagay na coordinates dahil sa “encoding errors.” Bunsod ng pangyayari, nangako ang ahensya na bubusiin mabuti ang project documents at magsagawa ng mahigpit na validation procedures, gayundin ang pagkakaroon ng kooperasyon sa civil society organizations (CSOs) para masuri ang kinukuwestyong datos. Bilang tugon, sinabi ni Enverga na mahalaga rin bigyan ng pagkakataon ang ahensya para ituwid ang pagkakamali at magpatupad ng kaukulang reporma, kasama na ang pagtitiyak na “hindi na ito maulit sa mga darating na panahon.” Samantala, hinimok naman ng mambabatas ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na maging maingat at tiyakin na tama ang detalye at impormasyon ng mga programang nais ipatupad at paaprubahan sa Kamara. “Napakahirap naman na isa-isahin natin ang libo-libong coordinates. We expect our agencies to submit accurate information because they have the technical expertise and the personnel to do the necessary validation,” ani Enverga. Sa panig ng DA, ang regional offices at engineering personnel anila ang responsible sa pagkalap o pagtukoy sa geographical coordinates ng mga tinutulak na FMR projects. Bukod sa Agriculture department, binanggit din ng ranking House official ang isiniwalat ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella na umanong problema sa coordinate ng nasa P17 billion projects na Department of Public Works and Highways (DPWH). Kung magpapatuloy ang ganitong mga pagkakamali, sinabi ni Enverga na apektado rin ang kapakanan ng mga mamamayan, kasama na ang nasa agri sector, na dapat makikinabang sa mga proyekto ng pamahalaan. “Ang mangyayari is it will be deemed unimplementable. So ibig sabihin, matutulog lang yung pera. Masasayang yung pera na pwedeng mapakinabangan sana ng ating mga farmers,” dagdag ni Enverga. “Nasa gitna pa rin tayo ng budget process, so may pagkakataon pa rin ang aniya pa. “As far as the House is concerned, we serve as a check and balance. That is why we conducted the hearing and asked the DA to explain where these errors came from.” “Mahalagang meron namang special provision na kung sakali meron lang konting mga pagkakamali at huwag naman lalayo yung proyekto dun sa original na proposed ng DPWH or any agency for that matter, dapat naman sana may konting pagbibigay na pwede naman mag-modify yung ating mga agencies para ma-implement at mapakinabangan ng ating mga kababayan.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Cale88 ni Carpio, walang operasyon pero daang milyon kinita?