Ni Romeo Allan Butuyan II
MALAKAS ang hinala ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na ang digital banking app na Maya ay maaaring nagagamit — kung hindi man konektado sa ipinagbabawal na online gambling.
Bunsod nito, inihain ni Tulfo, kasama sina ACT-CIS Partylist Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, at dalawang pang solon na sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo, ang House Resolution No. 1464 na nagsusulong ng isang malalimang imbestigasyon sa lahat ng digital banking platforms.
Sa kanyang privilege speech, hayagang tinukoy ng House Deputy Majority Leader ang mga impormasyong kumakaladkad sa nabanggit na digital banking app sa mga online gambling platforms.
Partikular na tinukoy ni Tulfo ang isang bahagi ng web app na nagbibigay pahintulot sa mga subscribers na makilahok sa iba’t-ibang sugal.
Kaya naman hiling niya sa liderato ng House of Representantives, itakda ang Congressional probe hinggil sa naturang usapin.
“This question strikes at the core of our responsibility as lawmakers to protect the interests of the millions of subscribers who rely on Maya Digital Savings Bank for their financial transactions and digital wallet needs,” giit pa ni Tulfo.
Target din ng ACT-CIS partylit solon na anyayahan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para alamin kung may kaugnayan ang Maya sa mga illegal online gambling.
“This investigation will shed light on whether these gambling activities are conducted in compliance with our laws and regulations, and whether they truly serve the best interests of our citizens,” dagdag pa niya.
Idinagdag pa ng mambabatas na kung dapat bang payagan ng mga regulator ng bangko ang pagkakaroon ng mga app ng sugal sa digital platform ng isang savings bank, alinsunod sa potensiyal na epekto nito sa kaligtasan ng pinansiyal at kapakanan ng mga mamimili.
Sa kasalukuyan, may anim na digital banks na pinapayagan ng BSP na mag operate sa bansa – Maya, Uno, Tonik, CIMB, Union Bank, at GoTyme Bank. Ngunit si Maya lamang ang may kaugnayan sa mga app ng sugal.
Bukod dito, kung ang mga app na ito ng sugal ay pinapayagan sa ilalim ng batas, itinataas nito ang tanong ukol sa kakayahan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na epektibong suriin at bantayan ang mga app na ito, at kung kinakailangan, gamitin ang kanilang regulatory powers upang masiguro na sumusunod sila sa batas.
Ani Rep. Erwin Tulfo, layunin nila na masagot ang mga kritikal na tanong at alalahanin na ito sa pamamagitan ng tamang legislative channels, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng transparency, legalidad, at proteksyon ng mamimili sa mabilis na nagbabagong larangan ng digital banking at financial services sa Pilipinas.