HALOS 5,000 kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ang inutusang magpaliwanag sa maagang pangangampanya.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chair George Garcia na hanggang kahapon, Oktubre 5, nagpalabas na ang poll body ng show-cause order na umaabot sa 4,942 BSKE candidates.
Sa naturang bilang, nasa 1,053 pa lamang ang nagsusumite ng kanilang paliwanag.
“Upon initial assessment, the number of disqualification cases for premature campaigning is at 211,” sabi ni Garcia.
Sinabi pa ng Comelec na bumaba sa 342 reklamo ang ibinasura sa kawalan ng sapat na basehan.
Kamakalawa ay nag-isyu ang Anti-Epal Task Force ng Comelec ng 270 show cause order at nagsampa ng 12 petisyon para sa diskwalipikasyon.
Nasa 72 na ang kabuuang reklamo sa diskwalipikasyon ang naisampa ng Comelec.
Nagsampa naman kahapon ang poll body ng limang disqualification cases at limang election offenses kasama na ang vote buying.