
PIHADONG lalayasan agad ng nagtatagong kongresista ang bansang pinagkukubkuban matapos ibasura ng Timor Leste ang hirit na asylum ni suspended Negros Oriental Arnolfo Teves Jr.
Sa kalatas ng Department of Foreign Affairs (DFA), partikular na tinukoy ng kagawaran ang eksaktong lugar kung saan di umano nanunuluyan ang itinuturong utak sa likod ng mahabang talaan ng pamamaslang sa Negros Oriental.
Ayon sa DFA, nasa mismong kabisera (Dili) ng Timor Leste si Teves, kasabay ng kumpirmasyon hinggil sa mabilis na pagbasura ng Foreign Ministry sa hirit na asylum ng kongresista.
Binigyan lang ng limang araw si Teves na lisanin ang naturang bansa.
“Today, the Ministry of Interior of Timor-Leste confirmed that Representative Teves’ application for political asylum has been denied. In accordance with the decision of the Timor-Leste Government, Representative Teves has been granted a period of five (5) days to depart Timor-Leste,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng DFA.
Una nang iniligwak ni Justice Secretary Crispin Remulla ang kinaroroonan ni Teves na pangunahing suspek din sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa noong Marso 4 sa Bayawan City.
Ayon sa Kalihim, isang linggo na ang lumipas nang lumipad si Teves sa Timor Leste sa pag-asang pagbibigyan ng Timor Leste government ang kanyang kahilingan.
“Teves entered Timor-Leste about a week ago in an attempt to secure special asylum status,” ani Remulla.
Gayunpaman, nakapagpadala na di umano ang Pilipinas ng isang liham sa gobyerno ng Timor Leste. Ipinabatid na rin aniya ng Pilipinas na ‘person of interest’ ang nagtatagong kongresista sa mahabang talaan ng mga kasong pagpatay sa lalawigan ng Negros Occidental.
Laman din aniya sa naturang liham ang plano ng Pilipinas na ihanay ang pangalan ng suspendidong kongresista sa talaan ng mga terorista.
Wala pang pahayag ang abogado ni Teves.