
PARA kay Senador Bong Go, hindi sapat na tawaging bayani ng makabagong panahon ang mga overseas Filipino Workers (OFW), kasabay ng panawagan sa Kongreso na tumbasan ng pribilehiyo ang ambag ng naturang sektor sa ekonomiya ng bansa.
Bilang pambungad, inihain Senador Bong Go ang Senate Bill 2414 na magbibigay-daan sa pagtataguyod ng OFW ward sa lahat ng pagamutan sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Go, napapanahon nang bigyan-pansin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bansa para itaguyod at i-ahon sa kahirapan ang kani-kanilang pamilya.
“Through the establishment of wards dedicated to OFWs, we guarantee immediate and efficient health care services. This is not just a dream but a commitment to our OFWs,” pahayag ni Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health.
Sa ilalim ng panukala ni Go, paglalaanan ng espasyo ang bawat DOH-retained hospital batay sa dami ng OFW sa nasasakupang distrito ng pagamutan.
Paglilinaw ng senador saklaw ng panukala ang mga seaman at iba pang tinawag niyang sea-based na manggagawa. Pasok din sa SB 2414 ang kanilang ‘immediate family members’ – asawa, supling na edad 18-anyos pababa at maging yaong nasa hustong gulang subalit walang kakayahan.
“In light of the unpleasant circumstances faced by our OFWs and their families, we must take necessary steps to ensure their safety and well-being,” paliwanag ni Go.
Bago pa man inihain sa Senado ang SB 2414, naisakatuparan na ni Go ang pagtatayo ng isang isang anim na palapag na OFW Hospital sa lungsod ng San Fernando sa lalawigan ng Pampanga.
Higit na kilala si Go bilang ama sa likod ng 158 Malasakit Centers na tumutulong sa mga maralitang pasyente ng mga pampublikong pagamutan sa iba’t ibang bahagi ng bansa