
PARA tiyakin hindi makakalayo ang puganteng heneral na pinaniniwalaang utak sa likod ng pamamaslang sa isang beneteranong komentarista sa radyo, naglabas ng hold departure order ang Muntinlupa Regional Trial Court laban kay former Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.
Bukod kay Bantag, pasok rin sa direktiba ni Muntinlupa RTC Branch 206 Judge Gener Gito si former BuCor deputy officer Ricardo Zulueta na di umano’y inutusan ng noo’y BuCor chief para paghanapin ang mga preso ng hitman na papatay sa mamamahayag na si Percy Mabasa Lapid.
Una nang naglabas ng mandamiento de arresto ang Muntinlupa RTC at Las Piñas City Regional Trial Court Branch 254 kina Bantag at Zulueta kaugnay ng pamamaslang kay Lapid noong Oktubre 3 sa lungsod ng Las Pinas at kay NBP detainee Jun Villamor noong Oktubre 18, matapos lumutang ang aminadong gunman.
Itinanggi na ni Bantag ang mga alegasyon, kasabay ng giit na gawa-gawa lamang aniya ni Justice Sec. Crispin Remulla ang mga alegasyon.
Patuloy naman ang manhunt operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa heneral itinuturing na ‘armed and dangerous.’
Bago pa man inilabas ng husgado ang hold-departure order, lumutang ang balita na susuko na di umano si Bantag.