ILANG araw matapos ibalik ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa Alert Level 2 ang 26 na lalawigan, mandatory face mask policy naman ang ipinatupad ng lokal na pamahalaan sa mga lungsod ng Iloilo at Bacolod.
Sa Iloilo City, obligado ang pagsusuot ng facemask sa loob ng mga establisyemento at mga pampublikong transportasyon.
Sa Bacolod City, mahigpit naman ang implementasyon ng mandatory face mask policy sa mga public utility vehicles (PUV).
Kapwa nasa ilalim ng Alert Level 1 ang mga lungsod ng Iloilo at Bacolod.
Samantala, walang plano ang Department of Health (DOH) na ibalik ang mandatory face mask policy sa bansa.
Gayunpaman, hinikayat ng DOH ang publiko na maging maingat at mapanuri kung kailan higit na kailangan magsuot ng face mask bilang proteksyon sa peligrong dala ng dumadaming kaso ng COVID-19.
Bukod sa mga lungsod ng Iloilo at Bacolod, pinaiiral rin ang mandatory face mask policy sa loob ng tren ng Light Rail Transit (LRT), Metro Rail Transit (MRT), at Philippine National Railways (PNR).
Batay sa pinakahuling datos ng Octa Research Group, pumalo na sa 12.9% ang positivity rate sa buong bansa – bagay na isinisisi sa pagsulpot ng Arcturus variant.