November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

HONTIVEROS DISMAYADO SA BAIL DENIAL KAY DE LIMA

Ni Estong Reyes

NAGPAHAYAG ng matinding pagkadismaya si Senador Risa sa patuloy na panggigipit kay dating Senador Leila de Lima ng gobyerno matapos ibasura ng korte ang apela nito na maglagak ng piyansa.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na mabuti pa ang ibang kaso ng droga na sa kabila ng matitibay na ebidensiya, naabsuwelto ng suspek dulot ng impluwensiya sa gobyerno.

“Nakakadismaya ang patuloy na pagkakulong ni Leila De Lima. Karapatan nya ang isang mabilis na paglilitis, gaya ng nakasaad sa ating Konstitusyon, giit ni Hontiveros.

Sinabi pa ni Hontiveros na: “Hindi ko maiwasang isipin ang iba pang kaso diyan na kaagad nalutas, samantalang si Leila, na naglahad ng mga pang-aabuso ng drug war sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, ay anim na taon nang nakapiit.”

“Nananawagan ako ng agaran at malinaw na resolusyon tungkol dito. Itigil na ang kabulastugang ito. Tigilan na ang pagpapahirap kay Leila,” giit ni Hontiveros.

Aniya, lubhang nakababahala ang mga pekeng  testimonya mula sa mga drug lord na pawang nangingibabaw at pinakikinggan pa rin.

“Marami sa kanila, binawi na ang kanilang mga huwad na paratang laban kay Leila. Kaya mapapatanong ka na lang: Bakit naiipit pa rin siya sa kasong ito sa kabila ng kasinungalingan ng mga sinasabi nilang mga star witness?,” aniya.

Kaya muli itong nanawagan tulad ng kanyang ginagaw sa loob ng anim na taon na: tigilan ang kawalang-puso at walang kamatayang pagkakait ng katarungan kay Leila.  

“At sa aking mga kababayan, magtulungan tayong tiyakin na ang katarungan ay hindi lamang para sa kanilang mga makapangyarihan at mayaman. Sama-sama nating patunayan na sa Pilipinas, ang katarungan ay para sa lahat, at hindi lang gawa-gawa lamang,” aniya.