TULOY ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ibasura ang apelang inihain ng pamahalaan ng bansang Pilipinas.
Dakong alas 4:00 ng hapon nang pormal na maglabas ng anunsyo si ICC Appeals Chamber Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut hinggil sa kapasyahan kaugnay ng petisyong naglalayong pigilan ang pag-usig laban sa dating Pangulong Duterte, ang noo’y Philippine National Police (PNP) chief General (ngayon ay Senador) Ronald dela Rosa at iba pa.
Inilabas ang desisyon sa presensya Sarah Bafadhel na kumakatawan sa Pilipinas, Philippine Ambassador to The Hague Eduardo Malaya at ICC Prosecutor Karim Khan na kagyat inatasan ituloy ang naantalang imbestigasyon kontra Duterte at iba pa.
Samantala, puspos naman ng kagalakan ang buod ng pahayag na inilabas ng Human Rights Watch. Paglalarawan ng grupo sa desisyon ng ICC – “next step toward justice for victims of [the] ‘drug war’ and their families.”
“The Marcos administration should back up its stated commitment to human rights and the fight against impunity by following through on its international legal obligation to cooperate with the court’s investigation,” wika ni HRW Asia deputy director Bryony Lau sa isang pahayag.
Bago pa man lumabas ang kapasyahan ng ICC kaugnay ng petisyon inihain ng Pilipinas, nanindigan si Justice Secretary Crispin Remulla na hindi kikilalanin ng pamahalaan ang mandamiento de arresto na inaasahang ilalabas ng nasabing pandaigdigang hukuman.