BINASAG ni Senador Mark Villar ang pananahimik matapos kaladkarin ni Justice Secretary Crispin Remulla sa usapin ng “conflict of interest” kaugnay ng mga infrastructure projects sa lungsod ng Las Pinas.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng kahandaan si Villar sumalang sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng kumakalat na balita sa P18.5-bilyong halaga ng kontratang nasungkit ng isang malapit na kaanak.
“Malugod kong tinatanggap at lubos na sinusuportahan ang anumang imbestigasyon sa mga isyung ito, dahil wala akong itinatago at matatag na naniniwala sa pananagutan at tamang proseso, pambungad ni Villar sa isang pahayag.
Giit ng senador, wala siyang direkta o bahagi man lang ng anumang kumpanyang lumahok sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Hayaan ninyong maging malinaw ako: Wala akong direktang o hindi direktang pagmamay-ari o kontroladong interes sa anumang kumpanyang lumalahok sa mga proyekto ng DPWH,” paliwanag ng dating DPWH Secretary.
Bilang patunay, naglabas ng kontra hamon si Villar. Aniya, rebisahin ang official records kung saan umano makikita na wala kahit isa sa kanyang mga kamag-anak ang nakakuha ng kontrata mula DPWH sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang DPWH Secretary.
“Kumpirmado sa opisyal na tala na walang sinuman sa aking mga kamag-anak ang nakakuha ng anumang kontrata mula 2016 hanggang 2021,” dugtong pa niya.
Paglilinaw ni Villar, ang tangi niyang hangarin nang tanggapin ang pwesto bilang Kalihim ay ang pagpapatupad ng reporma sa kagawaran.
“Ang tanging pokus ko noon ay ang ipatupad ang malalimang reporma at muling buuin ang tiwala ng publiko. Sinundan namin ito sa iba’t ibang larangan,” aniya pa.
Binigyang diin din ng mambabatas na sa kanyang panunungkulan ipinatupad ang mga mekanismong nagbigay-daan parsa mabusisi ng publiko ang bawat galaw ng departamento — gayundin ang estado ng mga proyekto.
“Ginawa naming digital ang lahat ng datos ng DPWH sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang institusyon upang maging ganap na transparent at madaling ma-access.”
“Binigyan namin ng kapangyarihan ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga grupo sa komunidad sa malalayong lugar upang magsilbing aming mga mata at tainga sa lupa, at naglunsad kami ng 24/7 hotline para sa mga reklamo upang matiyak na maririnig ang bawat tinig.”
“Ginamit din namin ang teknolohiya, gamit ang mga drone para sa pagsubaybay at aktibong pag-imbita sa mga organisasyon ng civil society na pumasok at suriin mismo ang mga lugar ng proyekto. Ang aming misyon ay lumikha ng isang kultura ng ganap na transparency, mula sa pagkuha ng right-of-way hanggang sa geotagging,” pagtatapos ni Villar. (CESAR MORALES)
