NAGPAHAYAG ng suporta ang tinaguriang ‘Young Guns’ ng Kamara sa mungkahi ni House Majority Leader Sandro Marcos na “no work, no pay” policy sa mga miyembro ng Kongreso.
Sa isang pahayag, nanindigan ang grupo para sa anila’y “long overdue reform” sa hanay ng mga mambabatas lalo pa’t obligasyon anila ng mga miyembro ng mataas at mababang kapulungan tumbasan ng trabaho ang sahod na mula sa buwis ng mga Pilipino.
Kumbinsido rin ang Young Guns na kailangan protektahan ng Kongreso ang buwis na binabayaran ng mga mamamayan, bilang sandigan sa prinsipyo ng accountability, at public trust.
Ayon kay Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, ang House Bill 7432, o ang “No Work, No Pay for Members of Congress Act” ay tumutugon sa usapin ng pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay o patas na panuntunan, kabilang na ang pagtitiyak na ang public funds ay ginagamit lamang sa tamang paraan.
“This bill simply ensures that public money is spent only when public work is done, the compensation in public office should correspond to actual legislative service,” dugtong ni Ortega.
“This is an institutional reform, not a partisan measure. A clear rule that applies to everyone to protect both the institution and its members.”
Sa panig ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, ang naturang panukala ay maglalagay sa katulad na pamantayan sinusunod ng mga ordinaryong manggagawang Pilipino.
“If this principle applies to workers nationwide, it should apply even more to those crafting the laws,” giit ni Adiong.
“Public service begins with showing up and doing the work, as representation requires presence and participation,” aniya pa.
Sinabi naman ni Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun, sa pamamagitan ng nabanggit na House bill, mapapalakas ang pagpapairal ng disiplina sa sangay ng Kongreso, na hindi nakakaapekto sa kanilang lehitimong legislative works.
“This is not about punishment—it is about professional discipline in lawmaking. Attendance remains a basic measure of responsibility,” punto pa ng kongresista.
Naniniwala naman si House Deputy Majority Leader Rodge Gutierrez ng 1-Rider Partylist, may sapat na batayan sa ilalim ng Saligang Batas ang ninanais ni Marcos partikular na rendahan ng Kongreso sa ibinibigay na kompensasyon sa bisa ng isang legislative measure.
“This is firmly within Congress’ constitutional authority. The bill protects public funds by ensuring that salary releases are tied to verified legislative work,” ani Gutierrez.
“The measure closes gaps where public funds could be released without public service.” (ROMER R. BUTUYAN)
