
PARA kay House Speaker Martin Romualdez, tinupad ng Kamara ang nakaatang na mandato alinsunod sa nakatakda sa 1987 Constitution, partikular sa paghahain ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Anuman aniya ang kahihinatnan ng kaso, tanging ang pamunuan ng Senado lang ang makakasagot.
“Yung sulat sa akin ni Senate president Chiz Escudero is pretty straightforward. Kaya yung impeachment complaint ay nasa Senado na. So we leave it to their sound discretion as to how they want to proceed and conduct,” wika ni Romualdez sa isang panayam matapos pangunahan ang inagurasyon ng bagong multipurpose facility sa Batasan Complex.
Nauna nang sinabi ni Romualdez na kumilos ang Kamara alinsunod sa constitutional duty nito bilang prosecutorial body, at handang iharap ang kaso kapag sa sandaling ipatawag ang Senate impeachment court.
Batid din naman umano niya na may sariling legislative agenda ang Senado, kabilang ang pagsasaalang-alang sa mga prayoridad na panukala na itinakda sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
“The Senate president outlined the priority measures like the LEDAC measures that they would like to prioritize first. So, we have to respect the decision of the Senate president and the Senate,” saad pa ng House Speaker.
“As I said, the impeachment complaint has been transmitted to the Senate. So, it’s best we leave it to the sound discretion of the Senate on how they plan on disposing of it,” dagdag niya.
“Well, everything is speculative at this point. But we hope things resolve themselves positively for all,” pagtatapos ng lider ng Kamara.
Matatandaan na pormal na naisumite ng Malbabang Kapulungan ng Kongreso sa Senado ang Articles of Impeachment noong Pebrero 5 matapos makita ng 215 kongresista ang ebidensya laban sa bise-presidente — kabilang ang pagtanggi ipaliwanag kung paano naubos ang nasa P612.5 million confidential funds. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)