KUMBINSIDO ang pamunuan ng Kamara na lubhang mahalaga ang papel ng mga opisyal ng barangay sa kampanya ng administrasyon laban sa katiwalian.
Sa talumpating binigkas sa dinaluhang Liga ng mga Barangay Congress sa World Trade Center sa lungsod ng Pasay, nanawagan si House Speaker Faustino Dy III sa mga kapitan, kagawad at mga kawani ng barangay para maging katuwang ng gobyerno sa ikinasang anti-corruption campaign.
Ayon sa House Speaker, ang pag-apruba ng Kamara sa national budget, kaakibat ang inilatag na reporma na magtitiyak na bukas sa publiko ang pagbusisi o deliberasyon nila sa 2026 General Appropriation Bills, ay unang hakbang pa lamang para sa paglaban sa katiwalian.
Pagbibigay-diin ni Dy, nagsimula ang kanilang public service career sa barangay level sa Isabela at mahalaga ang local vigilance kapag naipasa ang badyet at ang mga government project ay nasa tinatawag na implementation stage,
“Ang pinakamahalaga po rito kahit gaano na po natin higpitan at tiyakin na transparent at accountable ‘yung atin pong pino-propose na budget, ang importante po rito kapag nandoon na po sa implementation period itong mga proposed project sa atin pong mga lugar,” giit pa ng Isabela lawmaker.
“Kaya napakahalaga muli ng inyo pong magiging responsibilidad at tungkulin. Hinihiling ko po sa inyo na sana alamin ninyo sa bawat district sa Department of Public Works [and Highways] (DPWH) kung ano pong mga projects o program na darating sa inyo pong lugar, lalong-lalo na sa mga nasasakupan ninyong mga barangay.”
Paliwanag ni Dy, ang pagkakaroon ng ugnayan sa pagitan ng DPWH district offices ay magbibigay sa barangay leaders na magandang posisyon para mabantayan ang mga proyekto isasagawa sa kani-kanilang nasasakupan.
“Dahil dito po, mababantayan niyo itong mga projects na ‘to. Dahil dito po, makikita niyo kung standard ba talaga ang project na ‘to. Alamin po ninyo sa inyo pong mga district sa Department of Public Works [and Highways] kung ano po ‘yung program of works ng inyong mga projects na nilaan sa inyo pong mga lugar,” dagdag ng lider ng Kamara.
“Magiging malaki po ang bahagi ninyo para tanggalin at tuldukan na natin at talunin natin ang korapsyon dito sa ating bansang Pilipinas,” wakas na pahayag ni Dy. (ROMER R. BUTUYAN)
