
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KORPORASYON ang ginamit ng dalawang Chinese nationals na kilalang malapit na kaibigan ni former President Rodrigo Duterte sa operasyon ng isang malaking sindikato, batay sa matrix na ipinrisinta sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ng Kamara.
Partikular na tinukoy sa matrix na ipinrisinta nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. (Pampanga 3rd District) at Deputy Speaker Jay-jay Suarez (Quezon 2nd District) sina former President Economic Adviser Michael Yang alyas “Dragon” at Weixiong Lin alyas Allan Lim na di umano’y sangkot sa drug trafficking at money laundering activities at illegal POGO.
“These Chinese nationals are setting up corporations all over the country, taking advantage of our laws by perpetrating and promoting illegal activities, to the great prejudice of our country and the Filipino people,” hayagang alegasyon ni Gonzales.
“Mukhang may natisod po kami,” sambit naman ni Suarez sa quad comm.
“Mukhang may koneksyon at pare-pareho ang cast of characters. A criminal enterprise has penetrated us and has been operating with ‘quiet impunity’ – and out of these operations, eh inuubos at nagkaka-monopoly na po yata to crimes that strike at the very basic fundamental rights – human trafficking, kidnapping, prostitution, murder, love scams, crypto scams at lahat na ng cyber scams,” dagdag pa niya.
Ani Suarez, ginamit nina Yang at Lim ang mga lehitimong negosyo bilang front ng kanilang criminal activities, at ang DCLA Plaza, isang shopping mall sa Davao, ang nagsilbi umanong drug distribution hub ni Yang.
“As the investigations progressed, there were corporations that kept surfacing and familiar names, names that have been tied to controversial investigations,” pagsisiwalat pa ng ranking House official.
“Nung nakita po namin ang pattern ay sinundan namin pataas ang mga korporasyon na ito, stripped it of its layers, to get to the top and thru it all, we have discovered and identified at least two main actors or players in the issue of illegal drugs and illegal activities associated with POGOs,” dugtong niya.
Kasama umano sa mga kompanya ang Brickhartz Technology Inc., na itinuturong nasa likod ng ilang kaso ng kidnapping at iniuugnay sa Xionwei Technology Co. Ltd., isang POGO operation na iniuugnay kay Lim.
Ang Brickhartz at Xionwei ay iniuugnay sa Baofu Compound sa Bamban, Tarlac, isang pasilidad na iniuugnay sa sinibak na mayor na si Alice Guo, na sinasabing isang pekeng Pilipino upang makapag negosyo at makapasok sa politika.
Naungkat din ng Quad Comm ang kaugnayan ni Yang at Lim sa kontrobersyal na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, na sinalakay ng mga otoridad noong Hunyo. Ang Lucky South 99 ay kinatawan ni Katherine Casandra Li Ong sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Matatandaan na dawit din sina Yang at Lim sa Pharmally Pharmaceutical Corp., na kinasuhan naman sa pagbebenta ng overpriced medical supplies noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Nadiskubre ng Quad Comm ang kaugnayan ng Empire 999 Realty Corporation kay Yang. Sa warehouse ng Empire 999 sa Mexico, Pampanga kung saan tumambad ang P3.6 bilyong halaga ng shabu noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Tinukoy ni Suarez ang paulit-ulit na pattern kung saan ginamit ni Yang si Gerald Cruz, Jayson Uson at Yugin Zheng, samantalang si Lim ay ginamit naman ang kanyang misis na si Rose Nono Lim bilang nominee ng mga kumpanya para itago ang mga banyagang nagmamay-ari ng negosyo.
Si Lin ay nakalistang incorporator ng hindi bababa sa walong kumpanyang konektado kay Yang, na mayroong malaking papel sa pagpapalawak ng operasyon nito.
Sinabi ni Suarez na isang bagong development sa imbestigasyon ang pagka aresto sa kapatid ni Yang, na si Tony Yang alyas Antonio Maestrado Lim.
“Si Tony Yang ang eldest brother among the Yang brothers. Siya daw ang totoong mastermind o architect ng lahat ng operasyon at criminal syndicate ng Yang Brothers dito sa ating bansa,” ani Suarez. Binanggit din niya na si Michael Yang ay mayroon isa pang kapatid— si Hong Jiang Yang.
Mayroon itong mga negosyo sa Cagayan de Oro City, ang Yang Zi Hotel—isang dating POGO hub—at Philippine Sanjia Steel Corp., na sangkot umano sa rice smuggling at human trafficking. Siya ay pangulo rin ng Oro One, Inc., isang service provider ng Xionwei Technologies, isa sa mga POGO companies ni Lim.
Ayon kay Suarez, ang mga negosyo ni Tony Yang ay sangkot sa mga iligal na aktibidad, kasama ang drug smuggling at pagbili ng mga lupa gamit ang mga pekeng birth certificate at mga ID mula sa mga ahensya ng gobyerno.
Babala ni Suarez, nilalagay sa peligro ng pamamayagpag ng Chinese mafia ang seguridad at soberanya ng bansa.
“Hindi lang po yan… nagsimula nang kamkamin, gamit ang iba’t-ibang korporasyon o mga indibidwal, mga banyaga pretending to be Filipinos sa pamamagitan ng pamemeke ng mga birth certificate at iba pang government IDs, ang ating lupain na dapat ay para sa Pilipino lamang. This is a serious threat to our national security and to our very sovereignty as a nation,” giit pa niya.
Sinabi naman ni Gonzales na irerekomenda ng komite ang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga sangkot, gayundin ang paghahain ng mga reporma sa batas para matakpan ang mga butas sa legal na sistema.
“Hindi po dito nagtatapos ang trabaho ng Quad Comm. Ang imbestigasyon na ito, na aming binigyan ng panahon at pagod, ay ang simula,”ani Gonzales.
Kabilang sa rekomendasyon ang pag-amyenda sa Philippine Adaptation of the Racketeering Influenced and Corrupt Organizations (RICO) Act, Special Investor’s Resident Visa Program, Anti-Dummy Law, at Philippine Passport Act.
“We will end their era! Samahan nyo po kami. Hindi lang po ito laban ng Kongreso, laban po natin ito bilang mga Pilipino. Sino ba naman ang hindi naghahangad ng mas maayos at mabuting Pilipinas?” panawagan ng Pampanga solon.
“Sa ngayon, ay na-uncover pa lang po natin ang criminal enterprise. Wala pa po tayo sa tanong na who enabled them to freely and with impunity operate. Mga dayuhan po ang na-identify natin. Hindi po ito makaka-operate kung walang mga Pilipinong tumulong,” saad ni Gonzales.
“Wala pa rin po tayo sa financial links. Kulang pa. To completely paralyze them is to cut the financial stream o ang agos ng pera. Saan na naman po nagkulang ang ating batas sa dalawang usaping ito?”