MATAPOS ang masusing pagsusuri, tuluyan nang nagsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kasong tax evasion laban kay former Presidential Spokesperson Harry Roque.
Bukod kay Roque, dawit din sa asunto ang asawang si Mylah Reyes-Roque ay kasosyong kinilala sa pangalang Percival Sazon Ortega.
Batay sa reklamong inihain ng BIR sa punong tanggapan ng Department of Justice (DOJ), partikular na sinilip ng BIR ang Biancham Holdings and Trading Inc na umano’y pag-aari ng mag-asawang Roque at ni Ortega.
Sa imbestigasyon ng BIR, nabigo umano ang mag-asawang Roque at si Ortega magsumite ng tax returns. Lumalabas din sa rekord na walang ibinayad na buwis kaugnay ng transfer of shares ng stocks at pagtaas ng authorized capital stock.
Tinatayang higit P3.35 milyon ang kabuuang tax deficiency, kabilang ang surcharges at interes, ayon sa ahensya.
Nakakita umano ang BIR ng sapat na batayan para kasuhan ang mag-asawang Roque at si Ortega ng “willful attempt to evade taxes” sa ilalim ng Section 254, at failure to file tax returns sa ilalim ng Section 255 ng National Internal Revenue Code of 1997.
Ang hatol sa ilalim ng Section 254 ay may multang mula P500,000 hanggang P10 milyon at pagkakakulong ng anim hanggang 10 taon, habang ang paglabag sa Section 255 ay may karampatang multa — bukod pa sa 10-taong bakasyon sa piitan.
