November 11, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Komprehensibong Child Health Program, hirit ng solon 

Ni Jam Navales

UPANG masiguro ang magandang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon, nanawagan si House Committee on Health Vice Chairman at AnaKalusugan partylist Rep. Ray Reyes sa pagkakaroon ng mahusay na programang pangkalusugan sa mga batang Pilipino.

Giit ni Reyes, ang pagbibigay prayoridad na masigurong mayroong malusog na pangangatawan at isipan ang lahat ng bata ay katumbas sa pagkakaroon hindi lamang ng kanilang magandang hinaharap kung maging ng bansa.

“Maiksi lamang ang panahong nakalaan sa atin para tugunan ang mga problemang pangkalusugang ito sa mga bata. If we do not act now, it will adversely impact the productivity of our country 20 years from now,” mariing sabi pa ng ranking House official.

Ang pahayag ay ginawa ni Reyes sa harap ng mga sumali at dinaluhan din niya na “Alay Lakad para sa Kabataan” sa Batangas City kung saan hiniling din niya ang mas matibay na ugnayan at pagtutulungan sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor.

“Aside from ensuring the delivery of quality health care services, AnaKalusugan Partylist also encourages public-private partnerships and initiatives on nutrition, healthy eating habits and programs addressing child stunting and wasting,” ayon pa sa neophyte pro-health advocate lawmaker.

“Hindi lamang po ito responsibilidad ng kanilang mga magulang kundi ng buong lalawigan. Sa ating pagtutulungan, mas mapapadali natin ang landas tungo sa mas kaaya-ayang mundo para sa ating mga kabataan,” dagdag niya.

Nabatid na ang nabanggit na programa ay bahagi ng iba’t-ibang aktibidad na nakahanay para sa pagdiriwang ng Children’s Month, kung saan umabot sa mahigit 3,000 ang sumali kabilang na ang mga opisyal at corporate backers ng Batangas Alay Lakad Foundation.

Ang Batangas Alay Lakad Foundation ay itinatag sa layuning suportahan ang mga gawain tulad ng pagkakaloob ng scholarship, livelihood programs, vocational skills training, leadership seminars at iba pang community-based initiatives na nakatuon sa pagpapabuti sa mga kabataan at pagiging produktibo ng iba pang indibidwal.

“Tayo ay nagiging bahagi ng pag-asa at pagbabago sa kanilang buhay. Sa bawat hakbang na ating tatahakin, isang pagkakataon ang nabubuksan para sa katuparan ng kanilang pangarap,” ang wakas na sabi pa ni Reyes sa kanyang talumpati.