INIREPORT ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ngayong Biyernes ang pagkawala ng isang eroplano lulan ang piloto at isang pasahero sa Isabela.
Ang Piper PA-32-300 ng Fliteline Airways at pinatatakbo ng Cyclone Airways ay noong Huwebes pa nawawala, ayon sa CAAP.
Umalis ito ng Cauayan Airport bandang alas 9:39 ng umaga at nakatakdang lumapag sa Palanan Airport ng alas 10:23 ng umaga kahapon, Nobyembre 30.
“The last communication of the aircraft with Cauayan Tower was around 9:50 a.m. Thursday morning,” ayon sa statement ng CAAP.
“Its last known position was the last blip from the aircraft as captured by Flight Radar 24 which is about 29.09 NM east of Cauayan Airport at 10:00 a.m.,” ayon pa sa kalatas.
Isang distress message ang natanggap ng CAAP Operations Center mula sa Cauayan Tower bandang alas-11:08 ng tanghali ng Huwebes.
Samantala, walang Emergency Locator Transmitter (ELT) distress alert na natanggap ang Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) mula sa nawawalang eroplano.
Tumulong na ang militar at ilang civilian groups sa paghahanap sa nawawalang aircraft.