
ALINSUNOD sa rekomendasyon ni Health Secretary Ted Herbosa, tuluyan nang sinipa sa pwesto si Emmanuel Ledesma bilang President at Chief Executive Office ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Para tiyakin hindi mababalam ang serbisyo ng PhilHealth, itinalaga naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Edwin Mercado bilang punong abala ng naturang ahensya.
Personal na pinangasiwaan ng Pangulo ang panunumpa ni Mercado sa Palasyo.
Sa isang kalatas, malugod na binati ni Sen. BongGo na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health and Demography.
“Regardless naman kung sino ang namumuno ng PhilHealth, I am more interested on how PhilHealth will fulfill its pending promises, commitments and reforms. Ang importante sa atin ay ang serbisyo at benepisyo na maibibigay nila sa mga Pilipino,” wika ng mambabatas.
Kumbinsido rin si Go na malalampasan ni Mercado ang malaking hamon sa naturang ahensya.
“Unang-una na riyan ang zero budget subsidy ng ahensya para sa taong ito at ang paggamit nang wasto ng sobra-sobra nitong reserve funds. Tulad ng sinabi ko noon kay Mr. Ledesma, sana isapuso ni Dr. Mercado na ang pondo ng PhilHealth ay para sa Health,” dugtong ni Go.
Paalala ng senador sa bagong state insurer chief, gamitin ang pondo nang naaayon sa mandato.
“Ang PhilHealth po ay hindi negosyo na dapat mag-ipon ng pondo. Ito ay medical insurance para sa lahat upang may masasandalan tayo kapag nagkasakit. Kaya dapat nilang gamitin ang kanilang pondo para mapakinabangan ng taumbayan. Galit ang mga Pilipino dahil kaltas sa sahod natin yang kontribusyong nakokolekta ng PhilHealth na dapat suklian nila ng maayos na serbisyo at sapat na benepisyo kapag nagkasakit.”
“Kaya sino man ang namumuno, hindi tayo titigil na bantayan ito hanggang maisakatuparan ang lahat ng pangako nila sa taumbayan,” pagtatapos ng reelectionist senator.
Ibinahagi naman ng Presidential Communications Office (PCO) ang kwalipikasyon ni Mercado.
“Dr. Mercado, an orthopedic surgeon who was trained in the US, is the vice chair of Mercado General Hospital Inc., a national chain of healthcare facilities that includes four general hospitals, six multi-specialty clinics, two surgery centers, 150 primary care corporate clinics and more.”
Nagtapos ng kursong medisina sa Unibersidad ng Pilipinas taong 1987, swak anang PCO sa PhilHealth si Mercado na umani ng titulong Master of Medical Sciences in Global Health Delivery mula sa Harvard Medical School noong 2023.
Meron din Executive Master’s degree in Healthcare Administration ang bagong PhilHealth chief mula sa University of North Carolina.
Paglilinaw ng PCO, hindi bago sa gobyerno si Mercado. Katunayan anila, dating na siyang nagtrabaho sa Department of Health, kasabay ng pagtuturo sa Ateneo School of Medicine and Public Health, at University of the Philippines College of Public Health.