SA halip na isabay sa 2025 midterm election sa Mayo, napagkasunduan ng bicameral conference committee nitong Martes na idaos ang kauna-unahang eleksyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Oktubre 13 ng kasalukuyang taon.
“Ang in-adopt five months [postponement]. October 13 ang halalan. Pumayag ang Kamara. May mga pagbabago ring ipinanukala ang Kamara na inadopt din ng Senado,” pahayag ni Senate President Francis Escudero.
Sa ginanap na bicameral meeting, sinabi ni Escudero na pinagtibay ng Senado ang probisyon sa House version na nagbibigay linaw sa halalan na maging automated at pinayagan ang BARMM government na gumastos para sa Sulu sa kabila ng pagkalas sa rehiyon.
Walang probisyon sa supplemental budget sa ilalim ng panukalang pagpapaliban sa BARMM polls, ayon kay Escudero saka tiniyak sa final version na pinapayagan ang Commission on Elections (Comelec) na gamitin ang “savings” ng poll body at anumang ilalaan Department of Budget and Management para sa naturang halalan.
“Should the bill be enacted into law it will be effective upon publication in the Official Gazette, unlike the other laws that will only be effective 15 days upon the completion of the publication in newspapers of general circulation,” dugtong ng lider ng senado.
Samantrala, sinabi naman ni Senador JV Ejercito na pumayag ang bicam sa probisyon na manatili ang kasalukuyang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority sa kanilang posisyon habang nakabinbin ang paghalal ng kanilang kapalit.
Inaasahang agad na mararatipika ang bicameral conference committee report sa lalong madaling panahon.
Tiniyak pa ni Escudero na kahit magkaroon ng five-month postponement hindi na muling ipagpapaliban ang BARMM polls.
“Masyado nang matagal (ang one year) at actually ang totoong rason ko personally, hindi ko alam yung rason ng iba, pag one year eh di may sapat na panahon na naman ang Kongreso para i-reset uli yan. Mas maikli mas maganda para sa akin para wala nang panahon na i-reset pang muli. Dapat matuloy na ang halalan sa BARMM,” aniya.
Para kay Escudero, seguridad ang tanging dahilan sa pagpapaliban ng halalan.
“Ang pangunahing rason kung bakit ni-reset ito ay security reasons. Manipis ang reallocation o allocation ng ating security forces dahil kasabay ng halalan, Yung sapat na panahon na hiningi ng security at election officials natin para ma-reposition yung (kanilang mga tao) para matiyak na yung kauna-unahang halalan sa BARMM ay tunay na magiging malinis, kapani-paniwala, at mapayapa,” aniya.
Hinggil naman sa panukala ni Senador Juan Miguel Zubiri na magsagawa ng panibagong plebisito sa Sulu para alamin ang tunay ng sentimyento ng mga tao sa pagsama sa BARMM, iginiit ni Escudero na kapos sa panahon ang 19th Congress.
“Kailan pa maipapasa yun? Ang nakalagay dito ay mag-iisyu ng rules and regulations ang Comelec kung saka-sakaling ire-reallocate ng BTA kasi siya ang may kapangyarihan mag-reallocate nung pitong seats na naka-allocate sa Sulu,” aniya.
“Puwedeng buksan muli ang filing ng certificate of candidacy para makapag-file yung mga kandidato sa pitong seats na bubuksan kung saka-sakali ng BTA,” giit pa niya.
Samantala, sinuportahan naman ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagpapaliban ng unang regular na eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Aniya, angkop lang na bigyan ng sapat na panahon ang rehiyon na maghanda para sa eleksyon at mapanatili ang kapayapaan.
Giit pa niya, mas makatwirang ipagpaliban ang eleksyon kaysa ituloy sa May 11, 2025 kung tunay na nakatuon ang bansa sa kapayapaan sa rehiyon.
Ito ang dahilan kung bakit sinusuportahan niya ang panukala (Senate Bill No. 2924 sa ilalim ng Committee Report No. 466) na naglalayong ipagpaliban ang eleksyon sa BARMM hanggang Oktubre 30, 2025.
“It would be more logical to give them this entire year to prepare for the elections and allow them to set long-term targets for their region and budget — targets that will shape the region in the next 5 to 10 years,” pahayag ni Cayetano sa plenary session noong Enero 28, 2025.
Hinimok din niya ang suporta para sa pagpapaliban ng eleksyon, na maaaring “makapagtipid sa gobyerno ng bilyon-bilyong piso.”
Bagama’t dating kritiko ng Bangsamoro Basic Law, binigyang diin ni Cayetano ang kanyang dedikasyon ay para sa kapayapaan sa rehiyon.
“I’m glad that when we shook hands now with the Bangsamoro government, it was very warm because once upon a time we were debating harshly against each other,” wika ni Cayetano.
Kinilala rin ng senador ang malaking hamon sa mga pinuno ng BARMM sa pagpapatupad ng mga reporma lalo na’t matagal nang mahirap ang rehiyon.
“The reality is that if we go back to the status quo ante before the peace agreement, it would be dangerous for all of us… We need to stay invested in the peace process,” dagdag pa niya . (ESTONG REYES)
