
MALAWAKANG pagbabantay sa bentahan ng bigas ang nakatakdang sumipa sa Setyembre 5 sa tulong ng mga local government units (LGU) na inatasan magbuo ng monitoring teams na mag-iikot sa mga pamilihang bayan para tiyakin ang mahigpit na implementasyon ng price cap na inilabas ng Palasyo.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), target ng Executive Order 39 na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ipatupad ang P41 kada kilong price cap para sa regular-milled rice at P45 per kilo para sa well-milled rice.
Para sa mga negosyanteng hindi tatalima sa EO 39, papatawan ng multang maglalaro mula P500,000 hanggang P1 milyon, ayon kay DTI Assistant Secretary Agaton Uvero kasabay ng panawagan sa mga retailers na magsakripisyo para sa kabutihan ng publiko.
Una nang nagpahayag ng saloobin ang mga rice retailers na nangangamba sa di umano’y napipintong pagkalugi sa itinakdang price cap ng gobyerno – bagay na hindi kinagat ni Uvero na nagsabing liliit lang ang kita ng mga rice retailers pero hindi malulugi base sa pagtataya ng naturang ahensya.
“Hinihingi ng pamahalaan ang sakripisyo ng mga retailers na tumulong din sila sa mga mamamayan, sa nakakarami,” ayon kay Uvero.
Pansamantala lamang din aniya ang price ceiling dahil parating na rin naman di umano ang supply ng bigas na inangkat mula sa ibang bansa – bukod pa sa nalalapit na panahon ng anihan sa Oktubre.
Itinakda ang implementasyon ng EO 39 sa Setyembre 5.
Nanawagan din ni Trade Secretary Alfredo Pascual sa publiko na isuplong ang mga negosyanteng hindi tatalima sa price cap para sa angkop na parusang nakasaad sa direktiba ng Pangulo.
Samantala, hinikayat rin ni Local Government Secretary Benhur Abalos ang mga market administrators na tumulong sa implementasyon ng EO 39, kasabay ng direktiba sa mga lokal na himpilan ng pulisya na samahan sa pag-iikot sa palengke at iba pang establisyemento ang minoring teams ng lokal na pamahalaan.