HINDI bababa sa 50,000 pekeng birth certificate ang nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mahigit 1,600 civil registry offices sa buong bansa.
Batay sa datos ng NBI, lumalabas na pinaka talamak ang pamemeke ng birth certificate sa katimugan ng bansa — partikular sa mga bayan ng Pikit at Aleosan sa lalawigan ng North Cotabato.
Samantala, sinampahan na rin ng NBI ng kaso ang ilang opisyal ng civil registry sa North Cotabato at mga pribadong indibidwal na pinaniniwalaang sangkot sa paggawa at pagproseso ng pekeng birth certificates.
Katuwang ang Philippine Statistics Authority, bistado sa NBI ang umano’y sabwatan ng ilang local civil registrar, mga kawani at isang retiradong municipal civil registrar na nagsilbi umanong private facilitator.
Batay sa imbestigasyon, hindi nasunod ang legal protocols sa pagproseso ng late registration ng Certificates of Live Birth gamit ng mga pekeng dokumento.
Pinakamarami sa mga nabigyan ng birth certificate ang mga Chinese nationals na gumamit umano ng pekeng pagkakakilanlan para makakuha ng Filipino civil status at citizenship.
Kasong paglabag sa Civil Register Law, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct for Public Officials, falsification of public documents at perjury sa ilalim ng Revised Penal Code ang inihain ng NBI laban sa mga sangkot sa naturang modus.
