
BOLA sa halip na droga. Ito ang sigaw ng mga sikat na manlalarong bahagi ng pinakamalaking liga sa larangan ng basketball – ang Philippine Basketball Association (PBA).
Sa isang pambihirang pagkakataon, lumagda ng suporta ang pamunuan ng PBA bilang suporta sa programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa isang pahayag, lubos na ikinatuwa ni DILG Sec. Benhur Abalos ang pakikiisa ng PBA sa kampanya ng pamahalaan laban sa drogang aniya’y salot ng lipunan at sumisira sa kinabukasan ng milyon-milyong kabataan.
Sa panig ng pamahalaan, lumagda sa isang Memorandum of Agreement si Abalos habang sina PBA Chairman Ricky Vargas at League Commissioner Willie Marcial naman ang pumirma sa ngalan ng tinaguriang pinaka prominenteng professional basketball league.
Para kay Abalos, malaking bentahe ang suporta ng mga basketbolistang iniidolo ng mga kabataan.
“For the longest time, Filipinos have been looking up to the PBA players… sila nga ang idolo ng mga kabataan. Kaya naniniwala ako malaki ang impluwensya nila sa lipunan. Sa kanilang pakikiisa, mas malayo ang mararating ng mensahe ng pamahalaan kaugnay ng kampanya kontra droga.”
Pag-amin ng Kalihim, hindi matatawaran ang papel ng palakasan sa hangarin ng pamahalaan mapigilan ang mga mamamayan laban sa paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot.
Kabilang sa mga probisyon sa ilalim ng MOA ang regular drug testing sa hanay ng mga basketbolista at iba pang indibidwal na pasok sa liga, alinsunod sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Magsusuot rin ang mga manlalaro ng PBA ng jersey, kung saan nakalagay ang logo ng BIDA program ng DILG, at ipapakalat ang mga campaign collaterals at advocacy materials, bilang bahagi ng pagsisikap na mapataas ang kamalayan tungo sa malawakang pambansang plataporma.