
PARA sa kinatawan ng sektor ng agraryo sa Kongreso, isang tagumpay sa hanay ng mga magsasaka ang New Agrarian Emancipation Act na nakatakdang lagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga susunod na araw.
Ayon kay AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee, malaking kaluwagan sa mga magbubukid na benepisyaryo ng Comprensive Agrarian Reform Law of 1998 ang batas na nagbabasura sa mga pagkakautang ng naturang sektor sa lupang sakahan.
“We thank President Bongbong Marcos for signing into law this measure that has long been sought by our farmers,” ani Lee sa isang pahayag.
“Finally, they will be unburdened of their loans, interests, and penalties that contribute to their inability to overcome poverty, and are also major factors that have kept them from becoming fully productive,” dagdag pa ng kongresistang may akda ng naturang batas na pinagtibay sa Kamara.
Naniniwala si Lee na ang New Agrarian Emancipation Act ang magbibigay-daan para maitaas ng mga Pilipinong magsasaka ang kanilang ani, sa bisa ng iba pang probisyong nagtatakda ng iba pang tulong mula sa pamahalaan.
Napawi na rin aniya ang pasakit na dala ng interes at multa sa lupang hinuhulugan.
Sa datos na kalakip ng batas, tinatayang aabot sa P58.125 bilyon ang hindi na kailangan pang bayaran ng hindi bababa sa 654,000 agrarian reforms beneficiaries (ARB).
Inaatasan din sa ilalim ng bagong batas ang Department of Agrarian Reform (DAR) na ilabas at ipamahagi ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) o anumang dokumentong patunay na sa mga magbubukid na ang lupang kanilang sinasaka.
Kapansin-pansin din aniya na hindi na obligado ang mga ARB na bayaran ang tinaguriang ‘estate tax.’
“Dahil marami po sa ating mga ARBs ang nalulugmok sa kahirapan, kapag tinanggal po natin sa kanila ang kanilang mga pinagkakautangan ay bababa rin po ang dami ng mahihirap sa ating bansa,” wika pa ni Lee.
“Mabibigyan na ang ating mga magsasaka ng pagkakataon na iahon ang kanilang mga sarili sa kahirapan at maki-ambag sa pag-angat ng ating ekonomiya. Ito po ang ibig nating sabihin sa Winner Tayo Lahat,” aniya pa.
“By eliminating their debt, our farmers can focus more on their land. They would be able to devote the resources they would otherwise have used to pay off debts for the development of their land and the improvement of their farming practices.”
Saklaw ng New Agrarian Emancipation Act ang nasa 1.18 million ektaryang sakahan sa iba’t ibang panig ng kapuluan.