MALAMIG na rehas ang kinahantungan ng isang lalaking dinampot ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ireklamo ng mga biktimang napaniwalang magkakaroon ng pwesto sa gobyerno kapalit ng malaking halaga.
Sa isang entrapment operation, arestado ang suspek na kinilalang si John Laurence Rin, alyas Jhing Guiang, sa isang restaurant sa Quezon City, kung saan nakumpiska sa kanya ang nasa P500,000 cash mula sa nauna niyang transaksyon at isang hindi rehistradong baril.
Ayon sa biktimang ka-transaksyon ni Rin, nagpakilala di umano ang suspek na pamangkin ni Executive Secretary Lucas Bersamin – at may kakayahang lakarin ang appointment sa gobyerno para sa mga posisyon director hanggang undersecretary.
Aniya, naghinala siyang dorobo ang kanyang kausap matapos tumawag ang suspek sa isang kliyente gamit ang numero ng telepono na pag-aari umano ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Sa pagtataya ni NBI Special Investigator III Ferdinand Manuel, nakatangay na ang suspek ng tinatayang P4 milyon sa ilan niyang mga biktima.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong Estafa at Illegal Possession of Firearms.
Samantala, hindi hayagang itinanggi ni Bersamin ang relasyon sa suspek. Gayunpaman, binalaan niya ang publiko laban sa mga kahalintulad na modus.