
WALA ng buhay nang matagpuan sa loob ng bahay ang isang 82-anyos na lola na pinaniniwalaang nanlaban sa akyat-bahay sa Novaliches, Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4 commander, Lt. Col. Jerry Castillo, ang biktimang si Nenita Felecitas Tan, residente ng Pulang Bituin, Brgy. Gulod, Novaliches ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon, bandang alas 5:00 ng madaling araw (Abril 18), narinig umano ng mga kapitbahay na sumisigaw ang biktima sa loob ng tahanan nito.
Nang dumungaw ang isang kapitbahay, namataan m ang isang kahina-hinalang lalaki na aktong palabas mula sa bahay ng lola.
Dito na naghinala ang mga kapitbahay na may nangyaring masama sa lolang nag-iisa lang sa kaniyang tahanan.
Ayon kay Lt. Col. Castillo, sumalisi umano ang suspek dahil nakagawian na umano ng matanda na magdilig ng halaman tuwing madaling araw.
Posibleng nataranta umano ang suspek na ang intensyon ay magnakaw lamang matapos na magsisigaw ang biktima –dahilan para hampasin ng bato sa ulo ang biktima.
Sa pagkataranta, naiwanan pa di umano ng suspek ang bag na naglalaman ng P90,000 na ipon ng lola.