PARA patunayan na seryoso ang pamahalaan sa kampanya kontra korapsyon, nagpahayag ng kahandaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilabas ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi magdadalawang isip ang Pangulo tupdin ang nakatadhana sa batas.
Ginawa ng palasyo ang pahayag matapos ibahagi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang napipintong paglikha ng bagong polisiya kaugnay ng SALN ng mga opisyales at maging ng mga kawani ng gobyerno.
Ani Castro, tatalima ang lahat ng nasa ehekutibo kasama na ang Pangulo kung ano ang nararapat alinsunod sa umiiral na batas — “Lahat ng nasa executive department, handa po.”
Sa ilalim ng panuntunan ng pamahalaan, obligasyon ng mga tao sa gobyerno idekalarsa sa SALN ang ari-arian at net worth.
Sa panahon ni former Ombudsman Conchita Carpio Morales nanaig ang karapatan ng sinuman silipin ang SALN ng mga opisyal ng pamahalaan. Subalit nang bumaba sa pwesto, naglabas ang sumunod na Ombudsman na si Samuel Martires ng isang direktiba — hindi pwedeng ilabas ang SALN ng kung walang pahintulot ng pakay na opisyal ng gobyerno.
