
HULI sa akto ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang pagbebenta ng isang establisyemento sa Novaliches, Quezon City ng mga ‘expired’ na grocery items sa kabila pa ng nakaambang peligro sa kalusugan ng mga tao.
Armado ng 30 search warrant na inilabas ng husgado, pinasok ng mga operatiba ng NCRPO ang target na tindahan sa Barangay Capri sa Novaliches, Quezon City kung saan nabisto ang pagbebenta ng mga expired na pagkain kabilang ang mga delata, kape, palaman at iba pa.
Sa pagpasok pa ng mga mga pulis sa naturang tindahan, agad na nadatnan ang ilang tauhan ng establisyemento habang nagbubura at nagpapalit ng expiration date ng mga produktong pagkain.
Bago pa man ang pagsalakay, nagsagawa di umano ng test buy ang pulisya para kumpirmahin ang paratang ng mga nagrereklamong kumpanya. Matapos bumili, agad na ipinasuri sa mga dalubhasa ang mga delata, kape at palaman. Ang resulta – positibo sa mikrobyong posibleng maging dahilan ng karamdaman.
Sa imbentaryo, tinatayang nasa P100,000 halaga ng mga expired na produkto ang nasamsam sa isinagawang operasyon.