PARA kay Senador Win Gatchalian, isang lantarang paglabag sa Saligang Batas ang shareholder agreement na nilagdaan ng administrasyong Duterte sa China nang ibenta ng pamahalaan ang 40% ng sapi sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang probisyon kung saan sinasabing hindi maaaring magtipon, magpulong at gumawa ng emergency decision nang wala ang minority shareholder (China).
Ayon kay Gatchalian, pinipigilan ng ilang probisyon sa shareholder agreement ng NGCP sa State Grid Corporation of China (SGCC) na bumili ng 40% share, na magdesisyon para sa interes ng mga Pilipino.
Aniya pa, maliwanag sa batas na limitado sa 40% ang pwedeng pagmamay-ari ng dayuhan sa mga negosyo sa Pilipinas bilang proteksyon sa bansang Pilipinas.
Pero sa kaso ng NGCP, may 60% na majority stake ang mga Pilipino na miyembro ng board samantalang 40% ang interes sa kumpanya ng State Grid Corporation of China (SGCC).
Kung pagbabasehan aniya ang internal agreement ng NGCP board, ayon kay Gatchalian, lumalabas na hindi maaaring magtipon, magpulong, at magsagawa ng desisyon ang board kung wala ang minority stakeholders na mga Chinese.
“Tila tinatali ng probisyong ito ang mga kamay ng Filipino shareholders. Ang mga Pilipino sa board ay dapat laging nasa kontrol at pamamahala ng operasyon ng kumpanya. Napakalinaw ng Konstitusyon na 60 porsyento ng kapital ng mga pampublikong utilities ay dapat pag-aari ng mga Pilipino. Ang istraktura ng pagmamay-ari na ito ay nagpapahintulot sa mga Pilipino, at hindi sa mga dayuhan, na gumawa ng mga desisyon sa direksyon, pamamahala, at pagpapatakbo ng isang mahalagang negosyo, base na rin sa Article 12, Section 11 ng Konstitusyon,” paliwanag ng senador.
“Paano makakagawa ng desisyon ang mga Pilipino kung hindi sila makakapagpulong?” tanong ni Gatchalian sa nagdaang pagdinig sa Senado.
“Ang probisyong ito sa batas ay isang napakahalagang safeguard para sa mga Pilipino ngunit sa nangyayari, para na rin natin ibinebenta ang mga sarili natin sa demonyo kung wala ang safeguard na ito. Kailangan nating pag-aralan ang isyu na ito dahil ang sinasabing internal agreement ng NGCP board ay isang pag-iwas sa nasabing constitutional requirement,” giit pa ni Gatchalian.
Ang kasunduan ay nangangahulugan na ang mga Filipino majority shareholders ay hindi makakagawa ng desisyon, lalo na kapag may emergency decisions o mga bagay na may kinalaman sa pambansang seguridad, ayon pa kay Gatchalian.
Ayon kay NGCP Assistant Corporate Secretary Atty. Dylan Concepcion, ang naturang internal agreement ay sinusuportahan ng desisyon ng Korte Suprema na sumasaklaw sa mga public utility companies.
Gayunpaman, nabigo si Concepcion kabilang ang kasamahan sa NGCP na magbigay ng katibayan pagkatapos itong tanungin ni Gatchalian sa pagdinig.