
HINDI hahadlang ang Senado sa pagpapatibay ng mga panukala ng administrasyong Marcos sa kondisyong hindi maiiwan sa isinusulong na pgbangon ng bansa ang mga maralitang Pilipino.
Ito ang diin ni Senador Bong Go, kasabay ng pahayag ng suporta sa mga ‘pro-poor programs’ ng gobyerno, kabilang ang inisyatibang sadyang nilikha para sa mga abang sektor ng lipunan.
Partikular na tinukoy ni Go sa isang panayam ilang saglit matapos magpamahagi ng ayuda sa mga maralitang residente ng Trece Martires City sa Cavite ang pagtatayo ng Regional Specialty Centers matapos pagtibayin kamakailan ng Kongreso ang Regional Specialty Centers Act na kanyang akda sa Senado. Tanging lagda na lang ni Marcos ang hinihintay para ganap na umarangkada ang naturang programa.
“It’s a multi-year plan. Kasama na po doon sa batas ang pagpopondo rin po na kaya nga po isinabatas natin para hindi po maantala. So ibig sabihin sa 2024 may pondo dapat, sa 2025 mayroon din dapat pong pondo,” ayon kay Go.
Itatayo ang regional specialty centers – tulad ng Heart Center, Lung Center at Kidney Institute – sa mga regional hospitals na pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH) sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Isa po itong paraan na ilapit natin ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan, (lalo na iyong mga mahihirap). Halimbawa, ‘yung (may) heart (problems), kailangan pa silang magpaopera sa Maynila sa Heart Center. Ngayon po, doon na lang sila pumunta sa DOH regional hospital. Cancer care, doon na rin po sa mga DOH regional hospital. ‘Yun po ang layunin nito na ilapit natin sa mga kababayan natin,” aniya.
Inaasahan naman ni Go ang patuloy at pagpapalawak ng tugon sa pro-poor initiatives ng administration sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos sa ika-24 ng Hulyo.
“Pro-poor programs po ang gusto kong marinig sa SONA ng ating Pangulo at dapat wala pong mahuli, walang maiwanan po towards our economic recovery,” ayon kay Go.
Marapat din aniyang tiyakin ng administrasyong Marcos ang food security at paglikha ng trabaho para sa lahat ng Filipino partikular sa apektado ng health crisis.
“Napaka importante po yung tiyan, laman po ng tiyan ng ating mga kababayan. Wala pong dapat magutom,” aniya.
“Trabaho po… at suportado ko po ang ating pangulo sa mga plano niya, ‘yung Philippine Development Plan… basta ito po ay makakatulong sa pag-ahon ng ating bansa mula sa COVID-19 pandemic.”