PUNTIRYA ng sariling partido ang isang mambabatas matapos abandonahin ang sariling partylist group para tanggapin ang nominasyon ng grupong kaalyado ng administrasyong Marcos.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni SAGIP partylist president Paolo Marcoleta na buwan pa ng Setyembre ng nakalipas na taon nang magsumite ng resignation letter sa partido si Rep. Caroline Tanchay na aniya’y kabilang na sa mga nominado ng Kamalayan partylist group para sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Para kay Marcoleta, dapat nang alisin sa talaan ng mga kongresista si Tanchay matapos abandonahin ang sektor na kinakatawan sa Kamara.
Pag-amin ng lider ng SAGIP partylist, wala pang katiyakan kung nagpadala ng sipi ng resignation sa partido si Tanchay na kabilang sa mga nag-endorso sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Bagamat hindi kabilang si Tanchaty sa mga 215 mambabatas na nag-endorso sa Articles of Impeachment, kasama naman umano ang naturang kongresista sa 25 miyembro ng Kamara na nagpahayag ng intensyon na sumali bilang endorser ng impeachment case sa Senado.
“Sa totoo lang dapat hindi na po dahil if you have given up your seat ay hindi ka na po pwedeng magrepresenta sa ating partido lalong lalo na po ma’am Pinky si ma’am Caroline Tanchay po ay nominado na ng panibagong partylist, which is Kamalayan partylist,” dugtong ni Marcoleta.
“Siguro po we will clarify with the House leadership kung ano po ang ginawa po nila. Kung siya po ba ay tinanggal na sa roll of members upon her resignation. Dapat po kasi yung resignation nya fi-furnish nya rin po yung Speaker of the House,” aniya pa.
Kabilang aniya sa isusulong ng partido ang pagluluklok third nominee kapalit si Tanchay.
“Hindi pa po yata nabigyan ng aksyon [ng partido] yan dahil naisip po namin with only a few months to go parang konti na lang po yung oras to process… but we will take a look into it, pwede po naming i-enroll as new member.”
“Kung mamarapatin po ng partido maaari pwede po naming isumite yung bagong pangalan ng aming third nominee para mag assume ng posisyon na kanyang (Tanchay) iniwan,” dugtong pa niya.
