
PINAALALAHANAN ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang mga tinatawag na self-employed individuals, gayundin ang nasa online selling na magsumite ng annual income tax returns.
“For fellow citizens engaged in online selling who are registered with the BIR, you are required to file your Annual Income Tax Return using BIR Form 1701,” pahayag ng BIR chief.
“As for those operating a sole proprietorship—where the business is registered under an individual’s name rather than a corporation, the appropriate tax return to use is also BIR Form 1701,” dugtong ni Lumagui.
Ginawa ni Lumagui ang pahayag ngayong wala ng isang buwan ang itinakdang deadline ng BIR para sa pagpa-file ng ITR kung saan nagbigay din siya ng tips para matiyak na tama at nasa takdang oras ang pagsusumite ng huli.
Para aniya sa mga may annual sales na higit sa ₱3 million, kailangang magsumite ng Auditor’s Report at Financial Statements na ginawa at nilagdaan ng isang BIR-accreditted external auditor.
“This ensures transparency, accuracy, and compliance with tax rules for businesses that have grown beyond the VAT threshold,” dugtong ni Lumagui.
Para naman sa taxpayers na nakatanggap ng BIR Form 2307, o Certificate of Creditable Tax Withheld at Source, sinabi ni Lumagui na dapat nilang ilakip ito sa kanilang Form 1701 bilang patunay ng kanilang tax credits para magamit sa buwis na dapat bayaran.
Una nang inilunsad ng BIR ang Friendly Tax Compliance Verification Drive (TCVD), isang nationwide initiative bilang bahagi na rin ng Tax Awareness Month.
Paliwanag ni Lumagui, layunin ng naturang programa himukin ang mga taxpayer na boluntaryong tuparin ang kanilang obligasyon na pagbabayad ng buwis kasabay sa pagpapatupad ng BIR ng mas madaling maunawaan at easy access na tax rules.
Sa unang araw ng nasabing programa ay mahigit 24,000 establisyemento sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang binisita ng BIR.
“The BIR is here to educate our taxpayers, not to penalize them. Education leads to compliance. Improved services lead to compliance,” giit pa niya.
Bunsod naman sa matibay na pagpapatupad ng digital innovation at mas pinahusay na taxpayer services ng kawanihan, nakapagtala ang BIR ng ₱2.852 trillion tax collections noong nakaraang 2024, na higit sa ₱2.848 trillion target o katumbas ng 13% increase kumpara sa 2023 collections ng ahensya.